140,592 total views
Mga Kapanalig, hindi na itutuloy ng San Miguel Corporation ang plano nitong pagtatayo ng Pasig River Expressway (o PAREx). Ang PAREx ay isang expressway project na ilalagay sa ibabaw mismo ng Pasig River mula R-10 sa Maynila hanggang sa iminumungkahing South East Metro Manila Expressway sa C-6 sa Taguig. May haba itong 19.4 kilometers. Pinalutang ang ideya ng pagtatayo ng PAREx upang ibsan daw problema natin sa trapiko sa Metro Manila. Gayunpaman, sensitibo raw ang San Miguel Corporation sa opinyon ng publiko. Kung ang palagay daw ng publiko ay hindi makatutulong ang PAREx, hindi na raw ito itutuloy ng naturang korporasyon.
Kontrobersyal ang PAREx dahil sa mga sinasabing peligrong dala nito. Iba’t ibang grupo at koalisyon ang kumilos upang tutulan ito. Isa sa mga aktibong nangampanya laban sa proyekto ang Diyosesis ng Pasig sa pangunguna ni Bishop Mylo Hubert Vergara. Sa katunayan, naglabas ng pahayag ang diyosesis noong 2022 laban sa PAREx. Binigyang-diin ng diyosesis ang masasamang dulot ng proyekto sa buhay at kapaligiran ng Ilog Pasig, sa kalusugan at kabuhayan ng mga nasa paligid ng proyekto, at maging sa ating kultura.
Kaya naman, ikinatuwa ng mga tutol sa proyekto ang naging pahayag ng San Miguel Corporation. Para kay Bishop Vergara, isa itong “welcome development in the spirit of synodality.” Isang magandang balita ito na bunga ng sama-samang pagtugon sa pangangailangang protektahan ang Ilog Pasig. Hinamon naman ng Ilog Pasiglahin Movement ang San Miguel Corporation na bawiin na nito ang Supplemental Toll Operation Agreement sa Toll Regulatory Board, ang aplikasyon nitong Environmental Compliance Certificate sa Department of Environment and Natural Resources, at ang mga aplikasyon ng pagkuha ng permit sa iba’t ibang lokal na pamahalaan. Dagdag pa ng grupo, kung talagang seryoso ang San Miguel Corporation sa pagsalba sa Ilog Pasig, dapat din daw kanselahin ang iba pang proyekto nitong makaaapekto sa Ilog Pasig. Ilan sa mga ito ay ang Southeast Metro Manila Expressway na maaapektuhan ang silangang bahagi ng ilog at ang Southern Access Link Expressway sa Manila Bay at Intramuros. Giit ng mga miyembro ng Ilog Pasiglahin Movement, anumang mapanirang gawain sa paligid ng ilog, katulad ng reklamasyon at deforestation, ay makaaapekto pa rin sa Ilog Pasig.
Ipinaaalala ng mga panlipunang turo ng Simbahan na ang pananaw at pagkilos nating mga Kristiyano ukol sa ating kalikasan ay dapat na puspos ng pasasalamat at paghanga. Sa kalikasan, kasama ang mga ilog at daluyan ng tubig, maaaring makita ang Diyos na lumikha. Kung binabalewala natin ang ugnayan ng Diyos sa kalikasan, tinatanggal natin ang kahulugan ng pag-iral ng sangnilikha, na nauuwi naman sa pag-abuso natin sa mga likas-yaman at iba pang nilikha ng Diyos. Ngunit kung titingnan natin ang kaugnayan ng tao, ng kalikasan, at ng Diyos, matutuklasan natin ang mga misteryo ng kalikasan—maririnig natin ang pagtangis ng sangnilikha at higit nating mapahahalagahan ang kagandahan at kahulugan ng kanilang pag-iral sa mundo.
Kaya naman, tunay ngang magandang balita ang pagkakahinto sa PAREx. Isa itong patunay na epektibo ang sama-samang pagtutol sa mga mapinsalang proyektong hindi nakikita at hindi iginagalang ang biyaya ng kalikasan. Katulad ng paalala ni Pope Francis sa Laudato Si’, “Humanity still has the ability to work together in building our common home.” Marami pang ibang proyektong dapat bantayan. Marami pang dapat gawin upang protektahan at tuluyang maisalba ang Ilog Pasig.
Mga Kapanalig, ayon sa Genesis 1:26, tayo ay mga tagapangasiwa at tagapangalaga ng mga nilikha ng Diyos. Nawa’y mag-umpisa ito sa ating pasasalamat at paghanga sa kalikasan. Humantong din sana ito sa mga kongkretong hakbang upang sama-sama nating pangalagaan at protektahan ang sangnilikha. Umpisahan natin ito sa Ilog Pasig!
Sumainyo ang katotohanan.