313 total views
Iginiit ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mahalagang pangalagaan ang kalusugan ng mga kabataang mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan mula sa banta ng pandemya.
Ito ay sa pagsuporta ni CBCP Episcopal Commision on Youth (CBCP-ECY) Chairman Daet Bishop Rex Andrew Alarcon sa desisyon ng Department of Education (DepEd) na kanselahin ngayong Enero ang pagpapalawig ng limited face-to-face classes sa National Capital Region (NCR).
Ito ay dahil na rin sa pagtatala ng kaso ng Omicron Variant ng COVID-19 sa bansa na nagdulot naman ng pagpapatupad ng Alert Level 3 status sa Metro Manila.
“Ang buhay at kaligtasan ng bawat isa ay higit na mahalaga. Ang pagkansela ng face to face ay may epekto, subalit kailangan ding maging ligtas ang mga mag-aaral at mga guro. Sa panahon ng krisis, mahalaga na makita natin ang ‘priorities natin at ang mga bagay na higit na mahalaga,” ayon sa mensahe ng Obispo sa Radio Veritas.
Batid din ng Obispo ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ekspertong nagpapatupad ng mga panuntunan sa NCR ngayong panahon ng pandemya.
Dahil dito ay ipinabatid ni Bishop Alarcon na para sa ikabubuti ng sitwasyon ang pagpapatupad at muling paghihigpit ng mga panuntunan laban sa COVID-19.
“Nasa mabuti silang katayuan sa pagsuri ng katayuan sa Maynila, kaysa sa akin na nandito sa probinsya. Iyan naman, inaasahan natin ay para sa kaligtasan at ikabubuti ng lahat,” ayon sa Obispo.
Mensahe pa ni Bishop Alarcon na nawa’y maalala ng bawat isa ang pangunahing layunin ng pag-aaral ng mga bata at kabataan.
Ito ay ang pag-aaral ng isang indibidwal bilang paghahanda tungo sa kanilang buhay paglaki.
“Magandang tandaan na isa sa mga layunin ng pag-aaral ay matutong harapin ang mga hamon sa buhay at matuklasan ang mas malalim na kahulugan ng buhay at ng magagawa natin sa ating buhay. We study not for school but for life,” ani Bishop Alarcon.