79,256 total views
Mga Kapanalig, back-to-school na ulit ang mga estudyante.
Taun-taon, sinasalubong ng patung-patong na problema ang mga guro at estudyante sa mga pampublikong paaralan tuwing unang araw ng pasukán. Kasama sa mga ito ang kakulangan ng mga silid-aralan at gamit gaya ng mga libro. Normal na ngang makitang nagsiksikan ang mga estudyante sa kakaunting classrooms at naghahati sa paggamit ng mga libro.
Sa unang araw ng pasukán ngayong taon, pinalalâ ng Bagyong Carina at ng habagat ang mga problemang ito. Mahigit 800 na pampublikong paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang hindi nakasabay sa pagbubukas ng klase noong isang linggo. Mahigit 800,000 na estudyante ang hindi agad nakapasok sa kanilang paaralan. Ayon kay Department of Education Secretary Sonny Angara, halos 150 na paaralan ang patuloy na ginagamit bilang evacuation center hanggang noong nakaraang linggo. May mga paaralan ding kailangan pang linisin at ayusin bago pumasok ang mga estudyante.
Ipinagpaliban ng isang araw hanggang isang linggo ang mga klase dahil sa nagdaang kalamidad. Ibig sabihin, ngayong linggo, nakapagsimula nang pumasok dapat ang mga estudyante sa lahat ng pampublikong paaralan. Kaso, kahit maaari nang pumasok ang mga estudyante, may mga nasirang gamit gaya ng mga upuan at librong nalubog sa baha. May mga magulang ding namomroblema sa bagong-bili na school supplies na hindi nila naisalba mula sa baha.
Kung inyong matatandaan, inaprubahan ni Pangulong BBM ang pagbabalik sa lumang school calendar na mula Hunyo hanggang Marso upang maiwasan ang pasukán tuwing mainit ang panahon. Nitong taon kasi, sunud-sunod na kinansela ang mga klase noong Abril at Mayo dahil sa matinding init na pinalalâ ng El Niño. Kaso nga lang, ang kalaban naman ngayon ay hindi matinding init kundi pinsala ng mga bagyo at bahang nagsisimula tuwing Hunyo.
Bagamat hindi lamang climate change at matinding init o sama ng panahon ang nakaaapekto sa learning loss o pagkaantala ng pagkatuto ng mga estudyante, importanteng bigyang-pansin ito ngayon pa lang. Gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Laudato Si’, magkakabit ang mga problemang panlipunan at pangkalikasan. Kaya, sabi pa ni Pope Francis, ang pagtugon sa magkakabit na mga problemang ito ay nangangailangan ng integrated approach. Hindi pwedeng isa lang ang sinusolusyunan.
Sa nangyayari ngayon sa sektor ng edukasyon, hindi lamang paglilipat ng school calendar ang makatutugon sa educational crisis. Ang climate change ay isang problemang inaasahan nating lalalâ pa at makaaapekto sa maraming aspeto ng ating buhay, maging ng ating kabataan. Kinakailangan ng pangmatagalang mga solusyon gaya ng pagtatayo ng mga paaralang may maayos na bentilasyon, mga kalsadang hindi binabaha, mga bahay na matibay at ligtas, at mga evacuation centers na hindi sa mga paaralan. Dapat din bigyang-pansin ang mga ugat ng paglalâ ng climate change katulad ng mga malalaki at gahamang korporasyon na ang mga negosyo ay sumisira sa kalikasan at nagpapainit sa ating planeta. Ang pinsalang dulot nila ay nakaaapekto sa mga pinakamahihinang sektor, gaya ng kabataang nakararanas ng malaking learning loss kapag nababawasan ang mga araw ng pagpasok sa paaralan.
Mga Kapanalig, sabi sa Mga Kawikaan 16:16, “Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.” Tugunan sana ng gobyerno nang sabay ang educational crisis at climate crisis. Sa ganitong paraan, hindi maaantala ang pag-aaral ng ating mga anak.
Sumainyo ang katotohanan.