138 total views
May implikasyon ang pagkansenla ni US President Barrack Obama sa kanyang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN Summit sa Laos.
Duda si Political Science Prof. Ramon Casiple, na dahil dito, “under review” na ngayon ang relasyon ng Amerika sa ‘Duterte administration’.
Ayon kay Prof. Casiple, mas mabigat ito dahil ang naglabas ng kanselasyon ng nakatakdang pagpupulong ay ang US National Security Council na ‘body’ na nagdedesisyon ng mga ‘regime changes’.
“Mabuti sana kung kaaway mong bansa yan, kaya yung response medyo may tama yun yung cancellation, may implications immediately yun, duda ko yung relations with Duterte administration under review na ngayon, ang hint diyan yung naglabas ng cancellation ang national security council spokesperson, mabigat yun kasi yan ang body na nagde-decide ng mga regime changes, but review naman yan,” ayon kay Casiple sa panayam ng Radyo Veritas.
Kung natuloy sana ang nasabing pulong, ito ang kauna-unahang pagpupulong ng dalawang lider at pag-uusapan dito ang laganap na extrajudicial killings sa bansa na naging dahilan ng hindi magandang komento ni Duterte laban kay Obama.
Sa ulat ng Philippine National Police nasa halos 2,000 na ang insidente ng pagpatay na may kinalaman sa ilegal na droga kung saan mahigit sa 700 dito lehitimong operasyon ng pulisya.
Una ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa mga nagkakasala na ayon sa kanya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang magbagong-buhay.
Samantala, sinabi ni Prof. Casiple na prayoridad ng administrasyon ngayon ang pakikipagkaibigan muli sa China upang malutas ang iba’t-ibang suliranin sa magkabilang panig gaya ng usapin sa South China Sea o West Philippine Sea.
“Well may definite na policy na i-resume ang pakikipagkaibigan sa China, kasi yun yung pundasyon ng usapan para malutas ang ibat-ibang usapin sa China lalo na ang South China Sea, like si dating president FVR pupunta ulit dun kung ano ang pwede mapagkasunduan, may effort talaga, bahagi ng diplomasya yan pero it does not mean bibitawan natin ang relasyon natin sa US wala tayong kakayahan na mang-away, kailangan magbubukas ka sa China sa framework ng pakikipagkaibigan, ayusin ang mga problema within the framework of relationship,” ayon pa kay Casiple.