172 total views
Masasabi lamang na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang May 9, 2016 elections kung hindi magta-tally ang Certificate of Canvass (COC) na hawak ng mga nagpo-protesta at ang kopya naman na hawak ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay election lawyer Romulo Macalintal, kinakailangan na may matibay na ebidensiya ang mga aapela dahil kung magta-tally ang mga dokumento mahirap masabing may dayaang naganap.
“Kailangan may solid evidence sila, yan naman ay may kanya kanyang certificate of canvass sila, yun ang kinakailangan nilang ipakita na yan ay di nagta tally sa comelec copy, may mga copy sila ng elections returns lahat mayroong 30 copy ng election returns at 14 na kopya ng coc, so ipakita nila na hindi nagta-tally ito, ipakita nila na hindi nagtatali ang coc para patunayang may hocus focus na nangyari, kapag yan ay nag-tally mahirap sabihin na nagkaroon ng dayaan.” Pahayag ni Atty. Macalintal sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, posibleng abutin ng dalawang linggo ang canvassing ng Certificate of Canvass sa Kongreso bunsod na rin ng mga inaasahang apela at kuwestyon sa resulta ng halalan.
Ayon kay Atty. Macalintal, posibleng bukas o sa Miyerkules simulan na ang canvassing ng COC sa Kongreso
“Tatalakayin lahat sa magkasamang sesyon ng Senado at Kamara at sila ang magka-canvass ng COC na mula sa ibat-ibang lalawigan bukas o sa Miyerkules, aabutin ito ng 2 linggo dahil sa maraming batikos mga tanong pero depende sa magiging miyembro ng canvassing committee, kasi ang pulitika di mo maiiwasan may ibat-ibang discussions na nangyari sa joint committee kapag kina-canvass na ang coc.” Pahayag pa ng abogado.
Una ng nangako ang Kongreso na mabilis at magiging maayos ang canvassing ng Certificate of Canvass para sa pagkapangulo at bise presidente.
Ngayong araw balik-sesyon ang dalawang kapulungan ng kongreso at ipapasa ang resolusyon para sa joint session ng Congress na magsisilbing National Board of Canvassers.
Ang nagdaang halalan ay 18,083 elective positions at mahigit 41 milyon botante na lumahok mula sa 54 milyon .