233 total views
Mga Kapanalig, noong namatay ang isang kilaláng flight attendant noong Enero, at kahit wala pang matibay na ebidensyang nagpapatunay na siya ay pinagsamantalahan at pinatay, mabilis pa sa alas kuwatro ang mga pulitiko sa pag-aalok ng pabuya sa mga makakahanap sa mga salarin. Karaniwan na ang ganitong pagtugon ng mga inihalal nating mga pinuno ng bayan kapag may nangyayaring high-profile na kaso ng pagpatay—mga pagpatay kung saan ang biktima ay masasabing hindi ordinaryong tao, kahit pa nga parang pinangungunahan nila ang kalalabasan ng imbestigasyon. Pagkakataon iyon para sa mga pulitikong ipakita ang para sa kanila ay agarang pagtugon sa isang krimeng pumukaw sa atensyon ng publiko at ng media.
Ngunit kapag mahihirap ang pinapatay—at malinaw ang mga ebidensyang sila ay pinatay—nasaan ang mga pulitikong ito?
Noong isang linggo—at pasintabi po sa mga kumakain—dalawang labinlimang taong gulang na binata ang natagpuang patay at palutang-lutang sa dagat malapit sa Isla Puting Bato, hindi kalayuan sa Parola Compound kung saan sila nakatira at isa sa mahihirap na komunidad sa Tondo dito sa Maynila. Malinaw ang bakas ng pagpapahirap kina Carl Justine Banogon at Chormel Buenaflor noong sila ay pinatay. Ibinalot ng tape ang kanilang mga braso at binti, nilaslas ang leeg, at tinadtad ng saksak ang ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan. Para raw nakatagpo ng demonyo ang kanilang mga anak, paglalarawan ng nagdadalamhating mga magulang. Katapusan ng Enero nang nagpaalam ang dalawang menor de edad na maglalaro ng basketball, ngunit hindi na sila nakauwi pa, hanggang sa matagpuan na lamang ang kanilang bangkay sa pampang ng Manila Bay. Gang war ang sinasabi ng mga pulis na posibleng motibo sa pagpatay sa dalawang menor de edad.
Nakapanlulumo ang sinapit nina Carl Justine at Chormel, at hangad nating makamit ng kanilang pamilya ang katarungan. Ngunit hindi sila pinapansin ng ating mga pulitiko. May narinig ba tayong nag-alok ng pabuya sa mga pumatay sa dalawang binatilyo sa Tondo? May nagpatawag ba ang pagdinig sa Kongreso upang imbestigahan ang mga pagkukulang ng mga tagapagpatupad ng batas? May mga narinig ba tayong mga nasa poder at maimpluwensyang mga personalidad na nagsalita at kumundena sa pagpatay kina Carl Justine at Chormel at sa marami pa nating kababayan—kabilang ang mga bata—na pinatay na parang mga hayop?
Namamalas natin sa ganitong mga pangyayari ang malinaw na pagsasantabi sa mga mahihirap. Ang kanilang pagkamatay ay para bang karaniwang pangyayari na lamang; sila ay mga biktimang mananatiling datos sa bilang ng mga naitatalang krimen at kinakalimutan na lamang ng media at hindi papansinin ng ating mga pinuno. Hanggang sa kanilang pagkamatay, biktima ang mahihirap ng kalupitan at hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Sinasalamin nito ang sinasabi ni Pope Francis sa kanyang apostolic exhortation na Evangelii Gaudium na “throwaway culture,” isang uri ng pamumuhay kung saan may itinatakdang halaga sa bawat tao—may mas pinahahalagahan, may mga isinasantabi na lang at, ang masaklap pa, hindi na itinuturing na bahagi ng lipunan. Parang mga latak na itinatapon na lamang.
Ngunit sa mga pagkakataong mapakikinabangan ang mahihirap katulad ng eleksyon, doon lamang sila papansinin ng mga pulitiko. Sa mga pagkakataong nanganganib ang buhay ng mahihirap at naapakan na ang kanilang dignidad bilang mga tao, mistulang bulag, pipi, at bingi ang mga pulitiko. Ito ang kalakaran sa ating pulitika na dapat nang mabago. Sabi nga sa Mga Kawikaan 29:7, “Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap, ngunit ito’y balewala sa mga taong swapang.”
Kaya, mga Kapanalig, taasan natin ang ating pamantayan sa pagpili ng mga lider ng bayan—piliin natin ang mga matuwid at kinikilala ang mahihirap.