542 total views
Mga Kapanalig, kinumpirma ng Department of Health o DOH na may outbreak ng measles o tigdas sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at Western at Central Visayas. Kung hindi maaagapan ang pagkalat ng virus sa isang taong may tigdas, maaaring magdulot iyon ng mga kumplikasyong tulad ng pneumonia at pagkabulag o maaaring maging dahilan iyon ng kanyang kamatayan. Maituturing na high risk o pinakananganganib na madapuan ng tigdas ang mga batang hindi nabakunahan laban dito.
Ayon sa DOH, mahigit 400 na kaso ng tigdas na ang naitatala nila sa Metro Manila; lima sa mga batang nagkatigdas ay namatay. May halos 600 na kaso naman sa CALABARZON at siyam na ang namatay. Sa Central Luzon, apat ang namatay sa halos 200 na batang naitalang may tigdas. Sa Western Visayas hindi bababa sa 100 ang nagkatigdas at tatlo na ang namatay. Sa Central Visayas, 71 na ang naitalang kaso at isa ang namatay.
Isa sa mga itinuturong dahilan sa measles outbreak ay ang pagdududa ng mga magulang at ang pangamba nilang pabakunahan ang kanilang mga anak. Makikita ito sa mababang vaccine coverage ng DOH noong 2018 na umabot lamang ng 40%, malayo sa target na 90%. Ayon sa pag-aaral na ginawa ng London School of Hygiene and Tropical Medicine, tatlo lamang sa sampung Pilipino ang may tiwala sa bakuna. Dagdag pa ng pag-aaral, hindi nakatulong ang “highly politicized response” ng pamahalaan sa kontrobersiyal na bakuna laban sa dengue, ang Dengvaxia.
Ganito rin ang sinasabi ng mga doktor at propesyunal sa larangan ng medisina gaya ng grupong Doctors for Truth and Welfare. Sinisi nila ang pinuno ng Public Attorney’s Office o PAO na si Atty. Persida Acosta at ang namumuno sa forensics ng PAO na si Ginoong Erwin Erfe sa pagbaba ng tiwala ng publiko sa pagpapabakuna. Maaalala nating iniugnay ng mga taga-PAO sa bakunang Dengvaxia ang pagkamatay ng hindi bababa sa 100 bata, kahit wala silang siyentipikong batayan. Pinaninindigan nila ito sa kabila ng pagkuwestyon ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital. Sinampahan rin ng kaso ng PAO ang dating kalihim at ilang opisyal ng DOH, maging si dating Pangulo Noynoy Aquino, na para sa marami ay patunay na pinupulitika ng PAO ang isang isyung may kinalaman sa pampublikong kalusugan o public health.
Mga Kapanalig, mahalagang malaman ang katotohanan sa pagkamatay ng mga batang tinutukan ng PAO, at papanagutin ang mga nasa likod ng programang pagbabakuna kung mapatutunayang inilagay nito sa panganib ang buhay ng mga bata. Ngunit hindi makatutulong kung hahaluan ito ng pamumulitika at kung gagamitin ang mga bata upang siraan ang mga kalaban sa pulitika ng administrasyon. At patunay ang measles outbreak sa maraming lugar sa bansa kung paano nakaapekto ang pamumulitika sa pagkawala ng tiwala ng publiko sa pagpapabakuna laban sa malalalang sakit.
Malinaw ding may pagkukulang ang pamahalaan sa paghawak sa kontrobersiyang nilikha ng mga taga-PAO. Hinayaan nitong gamitin ang isyu upang siraan ang dating administrasyon, isang maling paggamit sa pulitikal na kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan. Gaya nga ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang tao ang pundasyon at siyang layunin ng pagkakaroon natin ng pulitikal na komunidad. Sabi pa ni Pope Francis, “When the exercise of political power aims only at protecting the interests of a few… the future is compromised…” Sa maling paggamit sa kapangyarihan, nakokompormiso ang ating kinabukasan. Hindi ba’t parang ganito ang ipinahihiwatig ng measles outbreak? Maraming bata ang nagdurusa ngayon dahil makasariling interes ang pinaiiral ng ilang nasa pamahalaan.
Mga Kapanalig, nawa’y maging aral sa ating lahat ang naging tugon ng pamahalaan at natin mismo sa isyu ng Dengvaxia. Nawa’y magabayan ang pamahalaan sa pagtugon sa problemang pinalaki at pinalubha ng pamumulitika ng iilan.
Sumainyo ang katotohanan.