427 total views
Mga Kapanalig, hindi man aminin ng mga mambabatas na nagsusulong ng Maharlika Wealth Fund, nakaimpluwensya ang ingay na nilikha ng mga tumututol dito upang palitan ang ilang probisyon ng kanilang panukalang batas. Dahil sa matinding reaksyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS na planong pagkunan ng malaking pondo para sa kontrobersyal na pondo, inalis na ang mga ahensiyang ito na inaasahang mag-ambag ng 175 bilyong piso sa kabuuang 275 bilyong sovereign wealth fund. Nangangamba kasi ang mga kasapi ng SSS at GSIS na gagamitin ang kanilang kontribusyon at inaasahang pensyon.
Sa maikling pagpapaliwanag, ang Maharlika Wealth Fund ay isang seed capital o pondong lilikumin mula sa iba’t ibang bangko ng pamahalaan upang ilagak o i-invest sa malalaking national development projects at iba pang assets. Ang kikitain mula sa mga investments na ito ay idadagdag naman sa kaban ng bayan na pagmumulan ng badyet para sa iba’t ibang programa at proyekto ng gobyerno. Kulang na kulang daw kasi ang ating pera upang tustusan ang mga gastusin ng pamahalaan. Pag-amin pa ni Albay Representative Joey Salceda, “utos ng pangulo” ang pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund. Mabilis namang naghain ng panukalang batas ang kanyang pinsan at anak sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
At dahil nga sa pagtutol ng marami sa pag-obliga sa SSS at GSIS na maglagak ng pera sa Maharlika Wealth Fund, tila ba tumiklop ang mga mambabatas sa nagsusulong nito. Ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas na lamang ang bubuo ng start-up capital. Gayunman, patuloy pa rin ang pagtutol ng marami sa Maharlika Wealth Fund dahil hindi raw ito napapanahon. Baon ang ating gobyerno sa utang. Ang dapat daw ginagawa muna ng gobyerno ay tiyaking masinop ang paggamit nito ng pera ng bayan para sa mga pampublikong serbisyo. Kaya naman, hindi sana matapos ang ating pagbabantay sa Maharlika Wealth Fund.
Ganito rin sana ang ating gawin sa iba pang isyu sa ating bayan. Bagamat nakakapagod ito, nakita naman natin sa isyu ng Maharlika Wealth Fund kung ano ang nangyayari kapag umiimik ang taumbayan. Maaaring may ibang mabibigat pang dahilan sa likod ng pagbabago ng isip ng mga nagsusulong ng nasabing pondo, ngunit dahil marami ang nag-react at marami ang nagsalita, hindi natin maikakailang marami sa atin ang naalarma sa posibilidad na magalaw ang ating kontribusyon sa SSS at GSIS. Ito ang pumukaw sa maraming magkaroon ng interes tungkol sa panukalang batas na ito at, sa abot ng kanilang makakaya, magbahagi ng ating opinyon at saloobin.
Ang pag-imik natin sa isyu ng Maharlika Wealth Fund ay isang magandang pahiwatig na may interes pa rin tayo sa mga ginagawa ng ating mga inihalal sa gobyerno. Isa rin itong hakbang sa pagkakaroon ng pakialam at pakikibahagi sa gobyerno—o participation sa Ingles—bagay na sinasabi sa Catholic social teaching na Pacem in Terris ay naaayon sa ating dignidad. At kapag nagsasalita tayong mga mamamayan sa mga isyung nakaaapekto sa atin, nakikilahok tayo sa pagsusulong ng kung ano ang makabubuti sa lahat o sa common good, isa pang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan.
Mga Kapanalig, maging si Hesus ay hindi nanahimik sa harap ng mga mali sa Kanyang panahon. Paalala naman sa Efeso 5:16, “Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon.” Nababalot ang ating bayan ng kasamaan at kasakiman, at matatalo tayo nito kung hindi tayo iimik, kung hindi tayo magsasalita, kung hindi tayo kikilos. Muli, hindi ito madali, ngunit kapag may mga pagkakataon tayong punahin ang mali at ituwid ang baluktot, manalig tayong unti-unti, may mabuting pagbabagong mangyayari.