1,606 total views
Isusulong ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang kapakanan ng mga maralitang kababaihan upang sama-samang makaahon sa kahirapan ang mga maralitang taga-lungsod.
Ito ang ipinangako ni PCUP Undersecretary Elpidio Jordan Jr sa kanyang mensahe sa paggunita sa buwan ng Marso bilang International Women’s Month.
“We have a significant step in the global fight for womens right since the onset of the COVID-19 pandemic, as we face this challenges that threaten to regress the progress that we have made towards gender equality I believe we as a nation must recognize women’s valuable role in society as partners for inclusive and sustainable development because women are not only catalyst for change but also promoters of hope,” bahagi ng mensahe ni Jordan.
Tiniyak rin ng Opisyal na magpapatuloy ang mga programa ng PCUP na pakikibahagi ng mga kababaihan sa ekonomiya at pagbibigay ng oportunidad ng kabuhayan.
Inihayag ni Jordan ang patuloy na pagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan laban sa anumang banta ng karahasan o hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Batay sa 2022 data ng WeWorld at Childfund Alliance, umabot lamang sa 74.4% ang puntos ng Pilipinas sa ‘Global Inclusion Index’ ng mga kababaihan at kabataan kung saan nasa ika-80 puwesto ang Pilipinas mula sa 166-bansa.
Ayon sa pag-aaral ng mga ahensya, ang nakamit na puntos ay nangangahulugan na bagamat sapat ang mga hakbang ng pamahalaan ay nananatiling ‘At risk’ o ‘Vulnerable’ ang mga kababaihan at kabataan mula sa mga suliranin ng kahirapan, climate change at domestic migration.
Patuloy naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Office on Women sa pagkilala sa pakikipabahagi ng mga kababaihan sa lipunan.