338 total views
Inihayag ng Military Ordinariate of the Philippines na isinaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng mamamayan sa pagpapatupad ng mga polisiya hinggil sa pandemya.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, nag-iingat lamang ang pamahalaan upang maiwasan ang higit na paglaganap ng COVID-19 lalo na sa mga hindi bakunadong indibidwal.
“Siguro naman ang basehan nila ay ang kapakanan ng nakararami,” mensahe ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Nilinaw ng Obispo na ito ay pansariling pananaw sa ipinatupad na ‘No Vaccine, No Ride’ policy ng Department of Transportation simula noong January 17, 2022.
Batid ni Bishop Florencio na ilan sa mga karapatang pantao ang maaaring maapektuhan sa polisiya subalit iginiit na pansamantala lamang ito.
“Mayroon talagang mga rights na matatamaan pero ang ganitong measure naman sa palagay ko ay pansamantala lamang at ito ay lilipas din,” ani Bishop Florencio.
Ayon naman sa DOTR, matagumpay ang unang araw ng pagpatupad sa ‘no vax, no ride’ policy kung saan mahigit sa isanlibong pasahero sa mga railways ang hindi bakunado ang nasita.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na ang nasabing polisiya ay naglalayong matulungan ang bansa na mapababa ang kaso ng mga nahawaan ng virus.
Tiniyak ng Kagawaran na ibayong pag-iingat at paggalang sa mamamayan ang kaakibat sa pagpatupad ng polisiya kasabay ng paalala sa mga nahuling indibidwal na magpabakuna upang maging ligtas sa banta ng pagkahawa.
Una nang nanawagan ng kahinahunan si Bishop Florencio sa mamamayan at muling umapela na makiisa sa vaccination program para sa proteksyon ng sarili at sa kapwa.