232 total views
Pinanigan ni Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa Bishop Emeritus Pedro Arigo ang karapatan ng mga manggagawa sa mga ipapasarang 28 minahan sa bansa.
Ayon kay Bishop Arigo, maihahalintulad sa kalagayan ng mga informal settlers ang kahihinatnan ng mga manggagawa sa mga mining companies na aalisan ng maapektuhan ng suspension o closure ng mga mining firms.
Hinimok naman ni Bishop Arigo ang gobyerno na gumawa ng probisyon kung paano mabibigyan ng alternatibong mapagkakakitaan ang mga magmimina upang may mapagkunan sila ng sapat na perang maipangtutustos sa kanilang gastusin.
“Katulad ng demolition ng mga informal settlers/dwellers hindi mo sila pwedeng paalisin ng walang lilipatan. Merong provision doon kaya sana yung mga magiging jobless dahil sa pagsasara gumawa sana ng provision ang government kung paano masasalo, magkakaroon somehow ng support para hindi naman sila completely helpless.”pahayag ng Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Samantala, ayon sa Chamber of Mines nasa 1.2 milyong katao mula sa mga mining communities ang maapektuhan ng pagpapasara habang ang mga kumpanyang ipapasara ay direktang kumukuha ng 19,000 empleyado na umaasa lamang sa ganitong uri ng trabaho.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika kinakailangang kilalanin ng mga mining companies ang naidudulot na kapahamakan at panganib sa buhay ng kanilang manggagawa sa pagmimina.
Naunang nanindigan ang DENR na tama at dumaan sa proseso ang resulta ng mining audit na naging batayan sa pagpapasara ng mga mining operations dahil sa paglabag sa mga mining law.
Read: http://www.veritas846.ph/suspension-order-sa-23-mining-companies-ipinatigil-ng-malakanyang/