188 total views
Kumikilos na ang Simbahang Katolika upang agarang makapaghatid ng tulong sa mga lalawigan na naapektuhan ng Super Typhoon Lawin.
Sa lalawigan ng Isabela, kasalukuyan nang nagkakaroon ng validation ang Diocese of Ilagan mula sa initial reports ng pinsala ng bagyo sa mga munisipalidad at barangay sa Ilocos Norte.
Aminado si Social Action Director Msgr. Noel Ian Rabago na bukod sa mga bahay ay may mga Simbahan din ang nasira ang mga bubungan dahil sa lakas ng hangin.
Tiniyak ni Msgr. Rabago na magpapadala sila ng tulong sa mga mahihirap na residente upang makabangon mula sa pinsala ng kalamidad.
Aminado naman si Fr. Augustus Calubaquib, Social Action Director ng Archdiocese of Tuguegarao na hindi madali ang magiging pagbangon ng mga residente dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong lawin sa lalawigan ng Cagayan.
Nanawagan din si Fr. Calubaquib sa mga nais tumugon sa rehabilitasyon ng mga nasirang bahay lalo na ang iba pang mga church Institution sa bansa.
Nasa Cagayan, Isabela at Kalinga na rin ang mga kinatawan ng Catholic Relief Services upang magsagawa ng rapid assessment sa pinsala ng bagyo.
Inaasahan na bago matapos ang linggo ay ma-ipon na ng CRS ang mga datos at makakapagsagawa na ng agarang pagtugon sa pangangailan ng mga apektadong diyosesis.
Tiniyak naman ni Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual na magpadala ng tulong sa mga Diocese na naapektuktuhan ng bagyong Lawin.
Tinatayang nasa 3,000 relief goods ang nakahanda ngayon sa Quiapo Church at Caritas Manila compound.(Rowel Garcia)