261 total views
Mahalagang ikonsidera ng pamahalaan ang makabubuti sa kapakanan ng lahat ng mga Filipino na maaring maapektuhan ng mga desisyon at pakikipag-ugnayan nito sa iba’t-ibang bansa.
Ito ang panawagan ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez – Chairman ng Ecumenical Bishops Forum sa kasalukuyang administrasyon matapos ang naging kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagputol ng relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos sa larangan ng ekonomiya at maging mga kasunduang pang-militar.
“Tayo ay bahagi talaga ng isang international community kaya meron tayong dapat na maging patakaran para sa ating pakikipag-isa sa kanila at lagi nating hanapin yung nilalayon natin ang kabutihan at nung bansa na ating pinakikitunguhan, sana ito ay talagang mapag-aralan natin at mahanap natin yung talagang ikabubuti nung lahat ng mga nasasangkot…”pahayag ni Bishop Iniguez sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, bahagi ang Pilipinas ng isang progresibong international community kaya’t marapat lamang na maging maingat ang ating mga opisyal sa pakikitungo bilang kinatawan at pinuno ng Pilipinas lalo’t maraming mga Filipino ang naghahanap buhay at naninirahan sa iba’t ibang bansa ang maaring maapektuhan.
Kaugnay nito, nasa Pilipinas ngayon si United States (US) Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs Daniel R. Russel na inaasahang makikipagpulong sa ilang mga opisyal ng pamahalaan upang linawin ang mga naging pahayag ng Pangulo kamakaialan lamang.
Sa kasalukuyan nasa 4.7-bilyong dolyar ang US direct investments sa Pilipinas, habang tinatayang aabot naman sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa America na sinasabing pang-apat sa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2013.