331 total views
Isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan ay ang sektor ng mangingisda. Lagi silang nasa top 3 sa mga sektor na maralita – ang kanilang poverty incidence ay nasa 26.2%. Mas marami pa ang naging maralita sa kanilang hanay ngayong pandemya dahil sa mga restrictions bunsod ng ating pag-iingat laban sa COVID 19.
Kapanalig, ang kahirapang dinadanas ng ating mga kapatid na mangingisda ay dapat nating suriin at tugunan. Ito ay bahagi ng ating panlipunang responsibilidad. Ang kadukhaan ay nagnanakaw ng dignidad ng tao, at tinuturo sa atin ng Deus Caritas Est na walang puwang ang kahirapang nagnanakaw ng dangal ng ating buhay sa isang lipunang nagmamahal sa Diyos.
Ang mga mangingisda sa ating bayan, lalo na ang mga artisanal o maliliit na mangingisda ay buwis buhay ang hanapbuhay. Kailangan nilang maglayag para lamang makakuha ng benta, at kadalasan kaunti na lamang ang huli na. Ang kanilang kabuhayan pa ay laging nasa ilalim ng banta ng climate change, na nagdadala ng malalakas ng bagyo. Nuong panahon ng Typhoon Yolanda, ayon sa Food and Agricultural Organization (FAO), mga 73% ng mga pamayanang nasa mga baybayin ang lubhang naapektuhan. Nawalan sila ng mga bangka at ibang pang kagamitan sa hanapbuhay. Sa bawat pagdaan ng mga bagyo, nasa peligro ang kanilang buhay at kabuhayan.
Nauubos na rin ang harvest o ani sa mga karagatan, at kung saan sagana ang huli, hirap silang makapunta dahil kulang sa maayos na bangka, o di kaya naman, hinuhuli ng mga karatig bansa.
Kailangan ng bayan tutukan ang sektor at bigyan ng kalinga lalo na ang mga maliliit na mangingisda. Tinatayang nasa higit isang milyon ang mga registered small fisherfolks sa bansa, at ang kinikita nila ay napaka-liit. Kadalasan, hindi hihigit sa P200 hanggang P300 kada isang araw ang take-home pay nila.
Malaking hamon para sa mga mangingisda ang mamuhay ng disente sa gitna ng liit ng kanilang kita at hirap ng trabaho. Kailangan nang matugunan ang kanilang sitwasyon – ang kanilang ambag sa lipunan ay hindi natin matatawaran. Sana’y matutukan ng mga LGUs at ng nasyonal na pamahalaan ang kanilang kapakanan upang maka-alpas na sana sila sa mahigpit na yakap ng karalitaan.