1,430 total views
Magtatalaga ng migrants desk ang Diocese of Balanga sa bawat parokyang kinasasakupan upang higit na matutukan ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers at suportahan ang mga naiwang pamilya sa bansa.
Ito’y sa pamamagitan ng bagong tatag na Diocesan Migrants Ministry sa pangunguna ng kauna-unahang direktor nito na si Canossian Father Antonio Germano, na siya ring kasalukuyang Parochial Vicar ng Saint Josephine Bakhita Parish sa Tala, Orani, Bataan.
Ayon kay Fr. Germano, ang migrants desk ang magiging unang proyekto at programa ng migrants ministry ng diyosesis upang mas mapagtuunan at masuportahan ng simbahan ang mga migrante at OFW lalo’t higit ang pangangailangan ng mga naiwang pamilya.
“Our first step is to form the migrant desk in all the parishes and then after that we will make a module. Then discuss what will be our next activities but, it depends on our co workers, not only me. All of us will work together,” pahayag ni Fr. Germano sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman ang pari sa biyaya at tiwalang ipinagkaloob ng diyosesis, lalo na kay Bishop Ruperto Santos, upang paglingkuran ang panibagong ministri na tutugon sa pangangailangan at magpapahalaga sa misyon ng mga migrante sa ibang bansa.
Pagbabahagi ni Fr. Germano, karaniwang misyon ng Canossian Fathers sa Pilipinas ang gabayan ang mga youth ministry ngunit noong 2019 ay iniatas na rin sa kongregasyon ang migrante at OFW.
Nangako naman ang direktor na makikipagtulungan ang ministri sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maipagpatuloy at mas mapaigting ang magandang layunin ng diyosesis para sa mga naghahanapbuhay sa ibayong dagat.
“We will see what we can do to answer to the needs of our OFW family here and in Bataan, especially. So we will connect ourselves with the government agencies so that we can work together,” ayon kay Fr. Germano.
Si Fr. Germano na isang Italian Canossian missionary ay 15 taon nang nagmi-misyon sa Pilipinas at apat na taon nang naglilingkod sa Diyosesis ng Balanga magmula nang ordinahan bilang pari.