12,807 total views
Kapanalig, isa sa mga maituturing na tila invisible na grupo ng tao sa ating bansa ay ang mga PWDs o persons with disabilities. Tinatayang umaabot sa 12% ng ating populasyon na may edad 15 pataas ay binubuo ng PWDs. Ang bilang na ito ay mataas pa dahil hindi kasama dito ang mga bata.
Napakahalaga na lahat ng PWDs ay ating nabibilang dahil ito ang basehan ng mga mga serbisyo na mailalatag ng pamahalaan para sa kanila. Halimbawa, sa ating mga paaralan, kapanalig. PWD ready ba ang ating mga eskwelahan – ang mga classrooms at iba pang pasilidad sa ating mga pampubliko at pribadong paaralan ay accessible ba sa mga batang naka wheelchair o saklay?
Sa ating public transport, kita naman natin na hindi talaga ito PWD friendly, sa urban areas man o kahit sa mga rural areas. Napakahirap para sa kanila makapunta sa iba ibang destinasyon dahil paglabas pa lamang ng kanilang pintuan, maraming hamon na silang hinaharap. Malaking balakid ito kapanalid, sa kanilang produktibong pakikilahok sa lipunan.
Hindi lamang ukol sa mobility, ang usapan dito, kapanalig. Halimbawa na lamang ay ang mga bilang ng mga batang may learning at cognitive challenges. May sapat ba tayong mga espesyalista at pasilidad na maaaring ma-access agad ng mga pamilya upang makakuha ng diagnosis at suporta kung ang kanilang mga anak o kaanak ay may, halimbawa, dyslexia, ADHD, o autism? Accessible ba ang mga ito sa mga maralita?
Ang malaking bahagi din ng ating mga mamamayan ay hindi mulat sa sitwasyon ng PWDs. Hanggang ngayon nga, kahit pa marami na halimbawa ang may hawak ng PWD IDs, nakakaranas pa rin sila ng diskriminasyon. Karamihan sa atin, tinutumbas ang kapansanan sa problema sa mobilidad lamang. Yung mga disabilities na hindi kaagad nakikita, gaya ng sakit ng kanser, psoriasis, speech and language impairment, pagkabingi, ay minsan pinagdududahan pa ng mga kababayan natin. Nakakasakit na tayo, kapanalig, sa damdamin nila, at hindi lang yan, pinagdadamutan pa natin sila ng mga serbisyo at karapatan na dapat nakukuha nila.
Kapanalig, kailangan nating gawing inklusibo ang ating lipunan. Kailangan nating masuri ng mabuti ang kalagayan ng ating mga PWDs at huwag silang tingnan bilang burden ng bayan kundi untapped resource na ating lipunan. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe noong International Day of Persons with Disabilities: “Inclusion of PWDs should not remain a slogan.” Kailangan nating iparamdam sa kanila na sila ay kaisa sa atin. Kailangan nating tanggalin ang mga hadlang sa kanilang epektibong paglahok sa lipunan, hindi lamang sa pamamagitan ng imprastraktura, kundi sa pagsulong din ng ating “spirituality of communion” upang maramdaman nating lahat na tayo ay tunay na iisa Simbahang nanalig sa mapagmahal na Diyos.
Sumainyo ang Katotohanan.