278 total views
Takot ang muling namayani sa naiwang kapamilya ng mga biktima ng nakaraang Oplan Tokhang sa muling pagpapatupad nito araw ng Lunes, ika-29 ng Enero.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Gilbert Billena – spokesperson ng Rise Up for Life and for Rights na nangangalaga at gumagabay sa mga kapamilya ng mga drug-related killings sa bansa.
Ayon sa Pari, malaking takot ang muling nadama ng kapamilya ng mga namatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga ng malamang muling ipapatupad ng Philippine National Police ang naturang kampanya matapos ihinto noong Oktubre ng nakalipas na taon dahil sa pagiging marahas at madugo nito.
Paliwanag ng Pari, sa halip na ang mismong mga ugat ng pagkalat ng illegal na droga sa bansa ang sugpuin ay tanging ang mga mahihirap na drug-users, pushers at runners ang mga napatay sa kampanya na maituturing ring biktima lamang rin ng illegal na droga.
“Ito po yung paninindigan ng Rise Up kasama yung mga biktima mismo mga nanay, tatay at mga anak kung saan ang mga mahal nila sa buhay ay pinaslang. So malaking takot naman nila ngayon na malaman nila na irerelaunch uli ang Tokhang dahil batay sa ating karanasan kung saan talagang madugo ito, madugong kampanya laban sa droga na eventually naging kampanya laban sa mga biktima mismo nitong droga. So napakahirap para sa mga biktima kahit anong ipangalan nila sa kampanya, para sa mga biktima ay magiging madugo kung saan hindi lang hundreds kundi libo-libo ang napaslang nitong kampanya na ito…” pahayag ni Fr. Billena sa panayam sa Radyo Veritas.
Gayunpaman, nilinaw ng Pari na kaisa rin ng pamahalaan ang grupo sa pagnanais na mawakasan na ang talamak na kalakalan ng illegal na droga na isang malaking dagok sa lipunan at sa maraming pamilyang apektado nito ngunit dapat pahalagahan ang buhay ng tao sa kampanya.
Samantala, mariin din nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Philippine National Police (PNP) na hindi na dapat na muling maulit pa ang naging marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga kung saan marami ang mga namatay.
Apela ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles dapat na mahigpit na sundin ng mga Pulis ang Standard Operating Procedures at mga bagong guideline o panuntunan na itinakda para sa Oplan Tokhang upang matiyak ang kaayusan at tamang proseso ng batas sa paghimok sa mga may kaugnayan sa kalakalan ng ilegal na droga na sumuko sa mga otoridad.
Matatandaang batay sa pagtataya ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA umabot sa 13-libo ang drug-related killings na naganap sa bansa noong nakalipas na taon.