416 total views
Kasunod nang pagpapairal ng ‘two week lockdown’, hinihikayat ng pamunuan ng Radio Veritas ang Kapanalig Community at mananampalataya sa Metro Manila na makiisa at makibahagi sa online Masses ng himpilan.
Ito ay kaugnay na rin sa umiiral na mahigpit na community quarantine sa buong National Capital Region at ilang mga lalawigan dahil na rin sa patuloy na banta ng pandemya.
Sa ilalim ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine, kabilang sa hindi pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force ang pagdaraos ng pampublikong Misa sa mga parokya at iba pang mga banal na pagdiriwang o mass gathering upang makaiwas sa higit pang paglaganap ng Covid-19 lalu na ang mas mapanganib na Delta Variant.
Ayon kay Renee Charice Jose, Head ng Religious Deparment, mapapanood at mapapakinggan ang mga Misa araw-araw sa himpilan at sa official Youtube channel at Facebook page na Veritas846.ph.
“Tayo po sa Radio Veritas ay tuloy ang pag-broadcast ng Misa, 6:00 AM, 12:00 NN and 6:00 PM at ngayon po ay may 12:00 midnight na tayo. Sa panahon ngayon, mas marami ang nag-aalala, nangangamba at mas nalulumbay ang karamihan, lalu na ang mga namumuhay mag-isa dahil sa pagpapatupad ng ECQ. Hindi makalabas, you feel isolated, alone eh may kasama ka kada 6-hours sa Misa natin sa Veritas,” ayon kay Jose.
Apat na Misa kada araw ang maaring mapakinggan at mapanood simula alas-6 ng umaga; alas-12 ng tanghali; alas-6 ng gabi at alas-12 ng hatinggabi sa programang Healing Touch on-the-air.