178 total views
Ang kapangyarihan, kapanalig ay isang biyaya na madaling maabuso ng tao. Maraming uri ito. Ang lagi nating kilala, halimbawa, ay ang poder sa gobyerno – ang pagkakaroon ng mataas na pwestong politikal o halal. Kapangyarihan din kapanalig, ang pwersa ng armas – mapapulis o military, o mapa-terorista, ang armas ay nagdadala ng takot sa marami, at kaya nito mapasunod ang tao kahit labag pa sa kanyang kalooban.
Ang kombinasyon ng kapangyarihang pampulitika at armas ay delikado – nakakamatay. Kaya’t dapat tayo ay mapagbantay, mapagmatyag, at mapanuri sa mga taong bibigyan natin ng kapangyarihan. Nakita natin ang deadly combination na ito noong panahon ng Martial Law, at nakita rin natin ulit ito sa drug war ng rehimeng Duterte.
Gumising tayo kapanalig. Eto na naman ang panahon ng pagpipili ng pinuno ng bayan. Baka eto na naman tayo – madaling mahuhulog sa kanilang panunuyo, at magiging pipi at bulag sa kanilang mga kahinaan, kanilang track record, at sa kanilang kapalpakan. Konting talumpati, konting song and dance, tuwang tuwa na tayo, naloloko tayo.
Ito ang dapat nating mabago kapanalig. Lagi tayong nabibighani sa kandidato. Sa kampanya pa lamang, binibigay na natin agad sa kanilang kamay ang upperhand, ang kapangyarihan. Ito ang dapat mabago kapanalig. Wala sa pulitiko ang kapangyarihan, nasa atin.
Sa ating tuwinang pagsuko ng kapangyarihan sa mga pulitiko, tayo mismo ang nagsusulong ng kawalan ng katarungan sa ating lipunan. Taliwas ito sa gabay sa atin ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Ayon nga sa Economic Justice for All, “Social justice implies that persons have an obligation to be active and productive participants in the life of society.”
Gawin nating makabuluhan ang pakikilahok natin sa lipunan, kapanalig. Ating bawiin ang kapangyarihan mula sa mga kurap at huwad na pinuno ng bayan. Ang eleksyon ay isang platapormang dapat nating linangin at gamitin ng wasto.
Tinatayang lampas pa sa 61 milyon ang mga botante ngayong darating 2022 elections. Ngayon, apat na ang mga presidential candidates na umaasa sa boto ng madla. Nasa ating kamay ang kanilang kapalaran. Nasa ating kamay ang kapangyarihan. Sana mapaghandaan natin ito at magkaisa tayo. Nawa’y pumili tayo ng lider na tunay na maglilingkod sa bayan, hindi para sa kanilang sarili.
Kapanalig, ang tunay na kapangyarihan ay hindi nanggagaling sa iisa o iilang tao lamang. Pigilan na natin ang maling pag-gamit ng pwersa. Huwag tayong madali lumimot, kapanalig. Huwag tayo maniwala sa pagbabaluktot ng katotohanan.
Sumainyo ang Katotohanan.