525 total views
Mga Kapanalig, malawak at malalim ang impluwensiya ng natatanggap nating mga impormasyon araw-araw. Hinuhubog ng mga ito ang ating mga desisyon, paniniwala, at pakahulugan sa ating buhay at mundong ginagalawan. Gayon na lamang ang kahalagahan ng pagtingin sa impormasyon bilang isang public good at ang pagtataguyod ng karapatan sa impormasyon, iprinoklama ng UN General Assembly ang ika-28 ng Setyembre bilang International Day for Universal Access to Information.
Ayon sa UN, ang pagkakaroon ng akses sa impormasyon ay nangangahulugang ang bawat isa ay may karapatang humingi, tumanggap, at magbahagi ng impormasyon. Mahalagang bahagi ng karapatang ito ang karapatan sa malayang pamamahayag. Sa kasamaang-palad, marami tayong nakikitang balakid sa malayang pamamahayag sa ating bansa. Tunay na malaking hamon ito sa panahon ngayon lalo na’t may mga pagkakataong ginigipit ang mga tao at organisasyong naglalabas ng totoong impormasyon.
Sa mga nakalipas na taon, marami nang naipasáng batas sa Pilipinas kaugnay ng pagbibigay ng akses sa mga pampublikong impormasyon, kung saan maaaring humingi ang mamamayan ng anumang impormasyon tungkol sa mga transaksyon at pamamalakad ng pamahalaan nang hindi nailalagay sa panganib ang pambansang seguridad. Sa katunayan, ang karapatan natin sa pampublikong impormasyon ay kinikilala sa Konstitusyon mula pa noong 1973. Bagamat sa pamamagitan ng mga batas na ito ay naoobliga ang mga opisyal at ahensiyanng isiwalat ang mga pampublikong impormasyon, marami dito ay hindi naipatutupad at naisusulong nang maayos. Dahil kulang ang pagpapaliwanag at pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa mga batas na ito, maraming hindi nakaaalam na maaari nilang hingiin sa ahensya ng gobyerno ang mga pampublikong impormasyong dati ay tagô. Dagdag pa rito ang burukrasya o ang kumplikadong prosesong kailangang pagdaanan na minsan ay nagiging hadlang sa sinumang nais humihingi ng impormasyon.
Kaya naman, hindi na nakapagtatakang sa halip na sa mga website at news articles na may kredibilidad kumalap ng impormasyon ang mga tao, mas pinipili nilang tangkilikin ang mga impormasyong nakahain sa mga platapormang sa tingin nila ay mas abot-kamay katulad ng Facebook, YouTube, at iba pa. Ang nakababahala, nagkálat din sa mga ito ang fake news.
Bagamat mabilis nang makakuha ng impormasyon, tandaan nating hindi lahat ng ito ay totoo at tama. Kaya magsumikap tayong maging bahagi ng katotohanan at kaliwanagan sa ating kapwa. Magagawa natin ito kung tatangkilikin natin ang mga mapagkakatiwalaang sources of information. Maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita at ibinabahagi natin sa internet at social media. Higit sa lahat, tawagin natin ang pansin ng mga opisyal ng pamahalaan na laging tiyakin ang katotohanan ng pinagmumulan ng kanilang impormasyon bago nila ilabas ang mga ito sa publiko.
Gaya nga ng sinasabi sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Malaya tayo kapag hinahangad natin ang katotohanan, at tinitiyak na totoo at tama ang mga pinaniniwalaan at ibinabahagi nating impormasyon. Ayon naman sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan, mahalagang itanong kung ang kasalukuyang sistema ng impormasyon ay nag-aambag sa paglago ng tao. Ginagawa ba nitong mas ganap ang espiritwalidad ng mga tao? Nagkakaroon ba sila ng kamalayan sa dignidad ng sangkatauhan? Mas responsable o mas bukás ba sila sa iba, lalo na sa mga nangangailangan at mahihina?
Mga Kapanalig, sa pagkakataong mas abot-kamay na natin ang impormasyon dahil sa iba’t ibang plataporma ng social media, malaking kapangyarihan ang nasa ating kamay. Gamitin natin ito nang tama sa pagkilatis sa mga taong nasa posisyon, sa pagpapanagot sa mga tiwaling pulitiko at pinuno, at higit sa lahat, sa pagpili ng nararapat na lider ng ating bansa, lalo na sa darating na eleksyon. Tandaan nating marami tayong magagawang pagbabago bilang indibidwal gamit ang mga tamang impormasyong ating natatamo.