323 total views
Kapanalig, lumabas na ang panibagong We are Social Report, at hindi na kagulat-gulat – isa na naman tayo sa nangunguna sa paggamit ng internet at social media.
Pang-apat tayo sa buong mundo pagdating sa haba ng oras na binababad sa social media. Bumaba na ito kumpara sa mga nakaraang taon. Pero kapanalig, tayo naman ang isa nangunguna pagdating sa panonood ng vlogs at paglalaro ng video games. Ayon sa report, 95.8% ng mga internet users na may edad 16 hanggang 64 sa ating bansa ang naglalaro ng video games sa kanilang mga gadgets. Tayo ang pinakamaraming naglalaro ng video games. Tayo rin ang pinaka-mahilig sa mga streaming shows gaya ng Netflix. 97.9% ng mga internet users may edad 16 hanggang 64 sa ating bansa ang nanood nito kada buwan. Tayo rin ang may pinakamaraming internet users na may parehong edad na mahilig manood ng vlogs kada araw. 55.6% sa parehong age range ang nanood ng vlog kada araw.
Kung ating pagbabasehan ang mga datos na ito, nasa internet na nga ang tao at merkado ngayon sa ating bansa. Dito na tayo lahat nagkikita. Dito na tayo naglilibang. Dito na tayo nagdidiskusyon. Dito na rin tayo nagpapahinga. Dito rin, kapanalig, nadarama na rin ang pulso ng publiko. Tinatayang mahigit pa sa 76 million ang internet users sa ating bansa. Mas marami pa ito, kapanalig, sa mga rehistradong botante noong 2022 elections na umabot ng mahigit 65 million.
Malaki ang kapangyarihan ng napakadaming aktibong internet users sa ating bayan. Sobrang lakas nga kapanalig, at kaya nitong mag-cancel ng mga produkto at mga celebrities, pangmatagalan man o pansamantala. Ramdam mo sa internet, partikular na sa social media ang lakas ng kapangyarihan ng mamamayan ngayon. Sa mundo nating hindi patas, sa internet, kahit paano, nakakaramdam tayo ng pagkapantay-pantay. Nabibigyan ng boses ang mga dating laging marginalized.
Kaya nga’t ang internet, kapanalig, lalo na ang social media, ay isang oportunidad upang mapamalas at maramdaman ulit ang ang tunay na boses ng masa. Dito din, makikita natin, ang mga hinaing at aspirasyon ng mga tao. Kung magagamit lamang natin ito o mahaharness o malilinang para sa kabutihan ng balana at para sa katotohanan, mas mabilis ang pag-angat ng nakararami sa atin. Kaya nga sana magamit natin ito ng tama, gaya ng sabi ni Pope Francis sa World Day of Social Communications 2019: kailangan nating maging mas responsable sa paggamit ng Internet. Kailangang nating kumilos upang ang Internet ay maging tunay na komunidad para sa ating lahat, at hindi lungga ng fake news at disinformation.
Sumainyo ang Katotohanan.