363 total views
Mga Kapanalig, isa sa pinakamahirap gawin ay ang humingi ng tawad. Marahil ay mas mahirap pa nga ito kaysa magpatawad.
Nang bumisita kamakailan si Pope Francis sa Canada, humingi siya ng tawad para sa mga pang-aabuso, pagsira sa mga pamilya, at pagpatay sa mga katutubo sa ngalan ng pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko roon. Bilang pinuno ng Simbahang Katolika, ang isa sa pinakamalaking institusyon sa mundo, nagpamalas ang Santo Papa ng sukdulang pagpapakumbaba sa pag-ako niya sa mga kasamaang naganap sa kasaysayan ng mga katutubo sa Canada.
Nang sakupin ng mga lahing puti ang lupain ng mga katutubo sa Canada, ang mga Kristiyanong simbahan ay nagpatakbo ng mga tinatawag na residential schools o dormitoryo na pinondohan ng gobyerno. Inihiwalay ang mga katutubong bata mula sa kanilang mga pamilya at pinatirá sa mga dormitoryong ito. Layunin ng mga residential schools na ipalimot sa mga bata ang kanilang katutubong kultura at pamumuhay. May mga batang inabuso at namatay sa loob ng mga paaralang ito na naging bahagi ng malagim na kasaysayan ng pananakop sa mga katutubo ng Canada.
Isa sa mga survivors ng mga residential schools ang lider ng mga katutubo na humiling sa Santo Papa na humingi ng tawad sa kanila. Ang mga katutubo sa Canada ay tinatawag ngayong “First Nations” bilang pagkilala sa kanilang pagiging mga nasyon bago pa man dumating ang mga kolonyalistang sumakop sa kanila. Isang lider nila ang may dignidad na hiningi ang paghingi ng tawad ng Santo Papa at ng Simbahang Katolika. Ang inisyatibo ay nagmula sa mga sinaktan, marahil dahil handa na silang magpatawad. At tumugon naman si Pope Francis nang may wagas na pagpapakumbaba at pag-ako sa mga kasamaang naganap.
Napakaganda ng tagpong ito ng pagkakasundo at pagpapatawad na nakabatay sa katotohanan. Sana ay ganito rin ang mangyari sa ating bayan kung ang mga gumawa ng mga kalapastanganan, pagpatay, at paglabag sa karapatang pantao sa nakaraan ay aakuin ang mga pagmamalabis na naganap, sa halip na nagpapakalat ng kasinungalingan. Kung walang pagtanggap sa katotohanan, walang kapatawaran at walang pagkakasundong mangyayari.
Ipinaaalala sa atin ng Simbahang ang kapayapaan ay bunga ng pagkakasundong nakabatay sa katotohanan at katarungan. Ang kalayaang mag-imbestiga at alamin ang katotohanan ay isang batayang karapatan ng bawat tao.
Ngunit patuloy ang pagtatakip at pagtalikod sa katotohanan. Halimbawa, nagmamatigas ang dating administrasyon, na sinasang-ayunan ng bagong administrasyon, na hindi makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga naganap na pagpatay at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng war on drugs. Ito ay ‘di lamang pagkakait ng karapatan sa katotohanan kundi pagkakait din ng hustisya sa libu-libong napatay sa nasabing kampanya. Ito rin marahil ang dahilan ng ‘di matapos-tapos na pag-aaway sa Mindanao. May humingi na ba ng tawad sa mga karahasang nagawa doon sa mga kapatid nating Muslim at mga lumad? O sa mga pagpatay sa parehong panig ng mga sundalong gobyerno at mga NPA?
Mga Kapanalig, hindi maaaring magpatawad ang nasaktan kung wala namang humihingi ng tawad. Ang pagpapatawad at pagkakasundo ay bunga ng malayang desisyon ng dalawang panig. Hindi maaaring hingin sa nasaktan na magpatawad at kalimutan ang sakit na naranasan kung walang umaako sa pananakit na nangyari. Sa Ebanghelyo ni San Lucas 15:21-24, ang ama ng alibughang anak ay ‘di nakuhang magmatigas sa kanyang anak sa harap ng pagbabalik-loob nito at paghingi ng kapatawaran. Ang nasirang relasyon ay nabuong muli. Kung walang pagpapakumbaba at pagbabago ng loob ng taong nakasakit, paano maibabalik ang nasira at nawala? Tunay ngang ang landas tungo sa kapayapaan ay nagsisimula sa pag-ako ng partisipasyon ng bawat isa sa kasamaan, at hindi sa pagbabato ng sisi sa kalaban.