23,318 total views
Homiliya para sa Panlimang Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-4 ng Pebrero 2024, Mk 1,29-39
Sa dulo ng binasa nating ebanghelyo, sinasabi ni San Markos, “Nangangaral siya sa mga sinagoga at nagpapalayas ng dimonyo.” Hindi ito parang dalawang magkahiwalay na gawain para kay Hesus. Magkaugnay ang dalawa. Ang pumapasok sa isip ko ay ang salitang Tagalog na MABISA, o TUMATALAB. Ito raw ang pagkakaiba ni Hesus sa mga Eskriba at Pariseo o iba pang mga tagapangaral ng Salita ng Diyos noong kapanahunan niya: “May kapangyarihan ang salita niya.” Ibig sabihin, ramdam nila ang epekto, nakapangyayari, nakapagbabago. Ito ang paanyaya ko na pagnilayan natin ngayon—ang bisa ng Salita.
Kaya siguro naaakit ang marami na lumapit at makinig ang mga tao kay Hesus. Ibang klase ang mga salita niya—nakapagpapaunawa, nakapagpapagaling, nakapagpapalaya. Sa kanyang salitang-tao, naririnig nila ang Salita ng Diyos.
Sa ebanghelyo ni San Juan may mahabang introduction ang manunulat tungkol sa Salita. Sabi niya, “Mula noon pang simula naroon na ang Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos, ang Salita ay Diyos… Ang Salita ay nagkatawang-tao.” Ang tinutukoy niya ay walang iba kundi si Hesukristo na Anak ng Diyos. Hindi lang daw siya propeta na tagapagpahayag ng Salita. Siya mismo ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao.
Kaya siguro sa lahat ng nilikha, halaman o hayop, tao lang ang naturuan na magsalita. Tayo daw kasi ay nilikha ng Diyos sa kanyang hugis at wangis. May nagbiro sa akin minsan, sabi niya—meron daw siya alagang ibon na nagsasalita rin parang tao. Siguro ibong myna o parrot. Oo, siguro magagaya ng ibon ang boses ng tao, dahil nakakarinig naman ito at meron ding vocal chords. Kahit nga tinig ng sirena ng ambulansya o bumbero, pwede niyang gayahin. Pero alam natin ang pagkakaiba ng salitang tao. Pwede lang gumaya ang loro sa salitang tao, pero hindi mo pwedeng kausapin ito. Bakit? hindi naman kasi siya nag-iisip.
Ang salita ng tao ay hindi lang iyung sinasabi o binibigkas ng bibig. Kahit wala tayong sinasabi pwedeng mabuo ang mga salita sa utak natin, sa isip natin. Ang salitang binuo sa isip, pwede ring isakatuparan sa gawa. Di ba sinasabi natin sa panatang makabayan, “Ako ay magiging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.”
Pwedeng magkasundo ang mga tao sa pamagitan ng pagpapalitan ng salita at gumawa ng mga bagay na makabubuti. Pwedeng bumigkas ng mga salitang magbibigay ng inspirasyon. Pwedeng magpalitan ng salita ang mga tao at makabuo ang mga planong makapagpapabago at makapagpapaunlad sa buhay natin, sa pamilya, sa kapaligiran o maging sa lipunan. Pwede tayong bumigkas ng mga salitang magbibigay liwanag. Kaya tayo nakakalikha ng maraming bagay, dahil sa kapangyarihan ng ating salita.
Pero kung pwedeng maging mabisa ang salita natin para sa mabuti, pwede ring tumalab ito para sa masama. Magandang paalala ito sa atin—na matindi ang pwedeng maging epekto ng ating mga salita. Pwede nating gamitin para magsinungaling o manlinlang. Halimbawa, pinaniwala ka na listahan ng bibigyan ng ayuda ang pinipirmahan mo, iyun pala inaamyenda na ang konstitusyon. Ano bang klaseng salita iyan? Pwede ring gamitin ang salita para magmura, mang-insulto, mam-bully, manlait. Kahit salita lang pwedeng makasakit ng puso at damdamin. May mga salitang nakakalito, nakakawalang-gana, nakakasira ng loob. May mga salitang nakakagalit at nakakasira ng relasyon ng mga tao sa isa’t isa. Kumbaga sa balahibo ng manok, kapag pinagbubunot mo, hindi mo na maibabalik. O kumbaga sa toothpaste, na kapag pinisil mo at pinalabas mahirap nang ipasok na muli sa lalagyan. Di ba minsan, dahil sa galit o silakbo ng damdamin, may nasasabi tayo na pagsisihan man natin ay hindi na natin mababawi habambuhay?
Sa unang pagbasa, panaghoy ang salitang lumalabas sa bibig ni Job. Dahil sa tindi ng mga pagsubok na pinagdaraanan niya, parang nadidiliman siya. Hindi niya mainitindihan, hindi niya mabigkas, hindi niya makita ang kahulugan ng mga pinagdaraanan niya. Parang ganoon din ang pinagdaanan ng bayang Israel sa maraming pagkakataon sa buhay nila at kasaysayan nang dumanas sila ng mga trahedya. Pero nagsugo ang Diyos sa kanila ng mga propetang nagpahayag ng salitang nagbibigay-liwanag, nagbibigay pag-asa, nagpapalakas ng loob, mabuting balita.
Kaya sinasabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, wala daw siyang karapatan na magmalaki o ipagyabang ang Salita na ipinahahayag niya, dahil hindi naman ito kanya. Ito’y ipinagkatiwala lamang sa kanya. Responsibilidad niya na ipahayag ito, iparamdam ang bisa nito na walang hinihinging kapalit o kabayaran.
Mga kapatid, ito ang good news natin sa araw na ito. Malinaw ang aral: pwede nating ipahiram sa Diyos ang ating mga bibig. Nasabi ito minsan ni San Pablo kay Timoteo: “Ipahayag mo ang Salita napapanahon man o hindi. Gamitin mo sa pagpapaliwanag, sa pagtutuwid ng mga kamalian, sa pagpapalakas ng loob sa mga pinanghihinaan ng pananampalataya…”
Pwedeng magsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga salitang binibigkas natin, kung makikinig tayo sa kanya, kung magpapakumbaba tayo at maging bukas sa kalooban niya. Kaya isinugo niya ang Espiritu Santo sa atin, para bigyan ng kapangyarihan ang ating Salita, para gawing mabisa ang ating mga salita para sa makabubuti, makapagpapagaling sa mga may karamdaman, makapagpalakas sa mga nasisiraan ng loob, makapagpapalaya sa mga naaalipin.