179 total views
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang pananampalataya na ibinigay ni Hesus kay Simon Pedro na isang mangingisda ay nagpasalinlahi hanggang sa susunod pang henerasyon.
“At ang pananampalatayang ito ni Pedro ay nagpatuloy hanggang ngayon na ipinahahayag ng lahat ng tagasunod ni Kristo sa iba’t ibang lugar, iba’t ibang panahon, iba’t ibang kultura sa iba’t ibang lengguwahe, iisa ang pananampalataya,” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Iginiit ng kanyang Kabunyian na ang pananalig sa mapagkumbabang si Hesukristo ay malaking hamon sa bawat mananampalataya na pagyamanin, patatagin at pagyabungin.
“Ang authority ng simbahan sa mula’t mula pa kay Pedro ay ang katatagan na dulot ng pananampalataya, kung ano ano mang bagyo ang daraan, may mga nasisirang building, bahay, pati nga ang simbahan, ano ang nananatiling matatag? Pananampalataya! Dumaan man ang mga apoy, dumaan ang sunog, dumaan man ang mga lindol, Panginoon huwag naman sana pero sa kasaysayang ng mundo, dumaan lahat ‘yan, ang pananampalataya, hindi mabubuwag, ‘yan ang ating yaman,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Ang pagninilay ni Cardinal Tagle ay kaugnay sa pagdiriwang ng Simbahan ng ‘Kapistahan ng luklukan ni Pedro o Feast of St. Peter’ sa misang ginanap kasabay na rin ng ika-32 anibersaryo ng pagtatalaga ng National Shrine and Parish of Saint Michael and the Archangels sa San Miguel, Manila.
Binabasbasan din ni Cardinal Tagle ang bagong ‘baptismal pool’ ng simbahan at limang mga sanggol din ang bininyagan na isang sakramento ng pananampalataya.
Pinaalalahanan naman ni Cardinal Tagle ang mga magulang, ninong at ninang na pag-aralang mabuti ang minanang pananampalataya sa Diyos at ituro sa kanilang mga anak at inaanak ang pagpapatuloy ng pananampalatayang Kristiyano mula sa Panginoon, tungo kay San Pedro, sa simbahan at sa mga susunod pang henerasyon.
“Sana sa mga bata, hindi mas kilala pa ang artista kaysa kay Hesus, mas alam pa ang mga video games kaysa sa bibliya, mas alam pa ang mga kalokohan kaysa sa katisismo. Mga magulang, ninong at ninang, responsibilidad nyo iyan sa inyong pananampalataya, palaguin ang pananampalataya ng inyong mga anak at inaanak,” paalala ni Cardinal Tagle.