305 total views
Mga Kapanalig, tila mga pangyayari sa Pilipinas noong 1986 ang mga nagaganap ngayon sa bansang Sri Lanka, isang maliit na bansa sa Timog Asya.
Noong isang linggo, dinagsa ng mga galίt na galίt na mamamayan ang magagara at naglalakihang mansyon ng kanilang presidente at prime minister. Bigo ang kinauukulang pigilan ang mga taong sumugod sa mga bahay na iniwan ng nagtatagong mga lider. Masayang nagsitalunan sa swimming pools, naghihiga sa malalaking kama, at nagpakuha ng picture sa magagandang hardin ang mga taong pagod na pagod na sa walang humpay na pagtaas ng halaga ng pagkain, kakulangan sa petrolyo at mga gamot, at kaliwa’t kanang brownout. Ang krisis sa Sri Lanka ay bunga ng kabiguan ng pamahalaang bayaran ang pagkakautang ng bansa.
Ganito rin ang eksena noong tumakas ng Pilipinas ang pamilya Marcos matapos silang patalsikin ng mga Pilipino. Nabuksan sa publiko ang Malacañang, at tumambad sa kanila ang karangyaan ng pamilya sa harap ng paghihikahos ng mga Pilipino. Naroon ang malalaking kama, mamahaling mga damit at pabango, at daan-daang sapatos. Sa unang pagkakataon, nakatapak sa loob ng palasyo ang mga Pilipinong nag-ambag-ambag upang magkaroon ng maluhong pamumuhay ang diktador at ang kanyang pamilya.
Tunay na mahirap pairalin ang kahinahunan sa mga mamamayang kumakalam ang sikmura at naghihikahos. Hindi natin kinukunsinti ang karahasan sa mga ganitong pangyayari, ngunit sino tayo upang husgahan at sisihin sila?
Linggo matapos ang pangyayaring iyon sa Sri Lanka, nanawagan si Pope Francis sa mga lider ng bansang pakinggan ang pananangis ng kanilang mga mamamayan at huwag balewalain ang kanilang mga pangangailangan. Sinabi naman ni Bishop Harold Anthony Perera ng Diocese of Colombo na hindi na makatarungan ang paghihirap na dinaranas ng mga Sri Lankans, at ang tinatawag niyang “failure of the system” ang nagtulak sa mga mamamayang mag-alsa at sumigaw ng radikal na pagbabago.
Ang mga nasa pamahalaan ang inatasan at inaasahan ng taumbayang magbibigay ng direksyon sa kanila sa mga pagkakataong nakararanas ang kanilang bansa ng matinding krisis. Ang mga lider ay iniluluklok sa kanilang posisyon upang paglingkuran ang mamamayan. Samakatuwid, gaya nga ng sinasabi sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang alinmang pamahalaang tumatangging kilalanin ang karapatan ng mga pinaglilikuran nito at gumagawa ng mga hakbang na labag sa mga ito ay hindi lamang mabibigo sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Ang kanilang awtoridad ay nawawalan ng saysay dahil hindi na nila mapagbubuklod ang taumbayan.
Ang nangyayari ngayon sa Sri Lanka ay maging paalaala sana sa ating ang kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan ay nagmumula sa taumbayan. At napatunayan na nating mga Pilipino ito sa maraming pagkakataon, lalo na noong 1986. Ngunit sadya yatang makakalimutin tayo kaya’t nandito tayo ngayon, napaikot muli ng mga taong ganid sa kapangyarihan at kayamanan.
Huwag sana itong mangyari sa Sri Lanka lalo na’t napilitan na ring magbitiw sa puwesto ang kanilang presidente at prime minister. Inaasahan na rin ang pagbabalik ng parliamento na pipili ng bagong mga lider ng bansa. Maging hudyat sana ito ng unti-unting paghupa ng karahasan at pagbangon ng kanilang ekonomiya. Maging aral sana ito sa kanila at sa mga mamamayan sa ibang bansa—kasama na ang Pilipinas.
Mga Kapanalig, sa isang mundong malawak at malalim ang puwang sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, inilalahad sa atin ng Mateo 25:31-46 ang kuwento tungkol sa huling paghatol. Ipinapaalala sa atin nitong huhusgahan tayo ayon sa ating pagtugon sa mga pinakaaba at pinakahuli sa atin. Nasa mga lider ang malaking responsibilidad na gawin ang pagtugong ito, at upang matiyak na gagampanan nila ang kanilang tungkulin, ang taumbayan, na siyang pinagmumulan ng kanilang kapangyarihan, ay dapat laging nakabantay sa kanila.