371 total views
Paalala ni Bishop Pabillo sa mamamayan na kumuha lamang ng sapat upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na magkaroon ng pagkain sa hapag kainan.
“Hinihiling lang natin na we get what we need for that day believing that God will provide for another day; iwasan po ang hoarding na pansarili lamang,” ani Bishop Pabillo.
Naniniwala si Bishop Pabillo na kung mas maraming mga community pantries sa buong bansa mas higit na pansamantalang matutulungan ang mamamayan sa pang araw-araw na pangangailangan. Dahil dito hinimok ni Bishop Pabillo ang mga parokya sa arkidiyosesis lalo na ang mga Basic Ecclesial Communities (BEC) na tularan ang magandang inisyatibo.
“Dito sa Manila ini-encourage ko po ang mga pari, ang mga parokya o sa pamamagitan ng mga BECs na makiisa sa ganitong initiative; it’s a good way of spreading this bayanihan among us,”giit ng obispo.
Umaasa rin ang obispo na bukas sa pagtugon ang mga may kakayahang tumulong sa paglunsad ng mga community pantry upang higit na maipadama sa pamayanan ang diwa ng pag-ibig ni Kristong muling nabuhay at ang diwa ng pagtutulungan lalo na sa panahon ng krisis. Una nang sinabi ng National Economic Development Authority na mahigit sa tatlong milyong indibidwal sa Metro Manila ang nakararanas ng kagutuman dahil sa pandemya habang iniulat naman ng Department of Labor and Employment ang mahigit sa dalawang milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa dalawang linggong ECQ.