1,376 total views
Ito ang panawagang dasal ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay na rin sa magkasunod na malakas na lindol na tumama sa North Cotabato.
“Humihingi po kami ng kapatawaran sa lahat ng aming pagkakamali. Sa maraming pagsuway namin sa Iyong utos at aral. Patawad po aming hindi paggalang sa kasagraduhan ng ng buhay. Sa aming pag-abuso at pagsira ng kalikasan,” bahagi ng panalangin ni Bishop Bagaforo.
Dasal pa ng obispo ang kaligtasan ng bawat mamamayan lalu na ang mga bata, matatanda at may sakit.
Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Bishop Bagaforo na patuloy pa ring nangangamba ang mga residente ng North Cotabato makaraan ang naganap na 6.6 magnitude na lindol, Martes ng umaga.
“Simula kahapon (Martes), hanggang kagabi at ngayong umaga mayroon pa ring tremors na malalakas. Maraming hindi nakatulog dahil sa pangamba at baka may dumating pa na malakas na lindol,”ayon kay Bishop Bagaforo.
Ilan ding mga pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers lalu’t nasira ang kanilang mga tahanan.
Sa Tulunan may higit sa isang libong pamilya ang nananatili sa evacuation center tulad ng municipal gymnasium at mga paaralan.
Ginamit ding ‘evacuation area’ ang gym ng parokya sa Makilala habang may 15 pamilya rin ang nasa kidapawan formation center.
Bukod sa malakas na pagyanig, patuloy din ang malakas na pag-ulan sa North Cotabato bagama’t naibalik na sa normal ang suplay ng kuryente.
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, bukod sa dalawang simbahan sa tulunan at makilala wala namang mga simbahan at parochial schools sa North Cotabato ang naiulat na labis na napinsala ng lindol.
“Naka-receive ako ng reports sa lahat ng mga parish priests na dito sa Kidapawan walang major damages talaga na masabi natin na infrastructure ang tinamaan. Pero maraming mga nasira na mga inside structures halimbawa, cabinet, shelves, mga salamin mga nahulog at nabasag,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.