259 total views
Dapat na magsilbing matatag na tulay at tagapamagitan ng Panginoon sa sangkatauhan ang mga lingkod ng simbahan.
Ito ang hamon ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa mga delegado ng KAPATIRAN 2020- ang taunang pagtitipon ng mga Theology Seminarians and Formators sa Pilipinas.
Sa homiliya ng Arsobispo sa ginawang opening mass sa Minor Basilica of Our Lady of Peñafrancia, Naga City binigyang diin ng arsobispo na upang maging makatotohanang tulay ng pag-ibig, habag at awa ng Panginoon ay mahalagang magkaroon ng matatag na pundasyon ang bawat lingkod ng Simbahan.
“And for us to be Pontes–Bridges now and in the future of God towards people we must be strong, we must have strong pillars, we must have very strong foundations,” ang bahagi ng pagninilay ni Archbishop Tirona sa opening mass ng KAPATIRAN 2020.
Pagbabahagi ng Arsobispo, may tatlong pundasyon na kakailangan ang lahat ng mga nagnanais na magsilbing matatag na tulay ng Panginoon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, ito ay ang pagiging malapit sa Panginoon, pagmamahal sa Simbahan at pagmamahal sa mga mahihirap.
Ayon kay Archbishop Tirona ang pananalangin ang isang paraan upang mas mapalalim pa ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon na pinakamahalagang pundasyon na kakailanganin ng mga lingkod ng Simbahan upang maging matatag sa kanilang bokasyon at buhay.
“First and foremost, we must be seminarians honed, sharpened, developed in intimacy with God because this intimacy, this heart to heart relationship with the Divine is what will sustain us to the thickness and thinness of our life, of our pastoral ministry,” dagdag pa ng arsobispo.
Tema ng KAPATIRAN 2020 ngayong taon ang Ad Communionis Pontes Faciendos–Building Bridges of Communion na naglalayong maipahayag ang pakikipag-isa kay Hesus at bilang tugon na rin sa panawagan ng Panginoon na pakikipagkapwa tao sa bawat isa.
Paliwanag ni Archbishop Tirona, ang pagtitipon ay isang pagkakataon hindi lamang para sa mga seminarista kundi sa bawat lingkod ng Simbahan na mas malalim ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon, muling mapanariwa ang bokasyon at tunay na makapaglingkod sa mga mahihirap.
Katuwang ni Archbishop Tirona sa opening mass ng KAPATIRAN 2020 sina Legazpi Bishop Joel Baylon at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na siyang Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Seminaries.
Ang Holy Rosary Major Seminary sa Archdiocese of Caceres ang nagsilbing host ng KAPATIRAN 2020 ngayong taon kung saan nagmula ang mga delegadong seminarista mula sa 19 na mga miyembro seminaryo.