4,309 total views
Ang Mabuting Balita, 3 Marso 2024 – Juan 2: 13-25
KAPAYAPAAN AT LAHAT NG KABUTIHAN
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apat-napu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus.
Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila sa Jesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.
————
Nagsalita si Jesus tungkol sa templo na kanyang katawan. Marahil, marami sa atin ang hindi nakakaisip na ang ating katawan ay sadyang mga templo ng Espiritu Santo. Samakatuwid, kung paano ipinagtabuyang palabas ni Jesus ang mga gumawang palengke ng bahay ng kanyang Ama, sinasabi niya sa atin na ipagtabuyang palabas ng ating katawan ang lahat ng nagiging hadlang na tayo ay maging mga templo ng Espiritu Santo, tulad ng Pitong Kasalanang Nakamamatay: Kapalaluan o kahambugan, Inggit, Katakawan o kasibaan sa pagkain at inumin, Kahalayan o kalibugan, Poot o Galit, Pagkaganid at Katamaran o pagkabatugan.
May mga nagsasabi na likas sa tao ang magkasala. Kung totoo na tayo ay likas na makasalanan, di sana napakasaya at napakapayapa natin sa tuwing tayo ay nagkakasala. Ngunit, hindi. Kapag lamang inaayawan natin ang mga basura/kalat sa loob natin sa pamamagitan ng pagsunod sa daan ng katuwiran ni Jesus, saka lang tayo nakararanas ng kasiyahan at kapayapaan. Ipinadala ng Diyos ang kanyang kaisa-isahang Anak na nagkatawang-tao upang ipakita sa atin kung paano mamuhay ayon sa ating kalikasan na ginawang kawangis ng Diyos, at ito ang KAPAYAPAAN AT LAHAT NG KABUTIHAN (“Pace e Bene” mula kay St. Francis at St. Clare ng Assisi).
Panginoong Jesus, nawa’y lubos-lubusin namin ang pakikiisa sa mga Sakramento upang manatili kaming mga templo ng iyong Espiritu Santo!