624 total views
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Ina ng Kapayapaan o Edsa Shrine at bisperas ng ika-32 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Inihayag ng kanyang Kabunyian na ang kapayapaan ay hindi lamang sa katahimikan at kawalan ng kagulungan.
Kundi ang tunay na kapayapaan ay bunga ng itinanim na katarungan, katotohanan, pag-ibig at paggagalangan.
“Ang kapayapaan po sa bibliya at turo ng simbahan ay hindi lamang kawalan ng karahasan o kawalan ng giyera o kawalan ng conflict. Mas malalim-lalim pa ang kapayapaan kaysa doon.
Sa turo ng simbahan peace is not only the absence of violence,” ayon kay Cardinal Tagle.
“Kalimitan ang kawalan ng kapayapaan ay tahimik. Dahil sa ang kapayapaan ay bunga lamang ng mga itinatanim natin,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ito ayon kay Cardinal ay base na rin sa sinabi ni Pope Saint John XXIII na sumulat ng Pacem in Terris- kapayapaan sa lupa, ang kapayapaan ay bunga lamang ng katarungan, katotohanan, pag-ibig at paggagalang.
At kapag ito ay itinaninm at lumago tayo ay may aanihing kapayapaan, subalit kung wala ang mga ito bilang pundasyon ay hindi makakamit ang tunay na kapayapaan.
Hinimok ng Kardinal ang mamamayan na hingin ang tulong ng Mahal na Ina ng Kapayapaan upang magtanim at magtayo ng pundasyon ng katarungan, katotohanan at pag-ibig upang makamit ang tunay na kapayapaan.
Ang dambana ang itinayo noong 1989 bilang paggunita sa dalawang makasayasayang People Power Revolution na nagpatalsik sa diktadurya ng noo’y si Pangulong Ferdinand Marcos taong 1986 at ang pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001.(Marian Navales-Pulgo)