226 total views
Ang kapayapaan ay pangkalahatan at walang pinipili o pinapaboran na anumang sekta o relihiyon.
Ito ang binigyan diin ni Rev. Fr. Richard Babao – Parish Priest ng Ina ng Laging Saklolo Parish at Minister ng Ministry for Ecumenical and Interfaith Affairs ng Archdiocese of Manila.
Sa pagtitipon ng mga kinatawan ng iba’t ibang relihiyon sa St. Paul College Pasig, iginiit ng Pari ang kahalagahan na maipamulat sa mga kabataan ang kapayapaan at paano ito tunay na makakamit sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan.
Inihayag ni Father Babao na mahalagang maagang matutunan ng mga kabataan ang pagmamalasakit sa kapwa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya ng bawat isa.
“Napakahalaga ito, ang mga bata kailangan nila ng foundation, kailangan nila ng halimbawa. So kailangan magsisimula sa atin na gumawa ng initiatives and we reach out to all people of all religion dahil pareho naman tayo ng hangad na magkaroon ng kapayapaan para sa bawat isa at sa bawat pamilya. Yun ang pinapangarap natin they will always be aware of not only their own lives, not only of what they dream of, but the dreams of others also, they can we can assists each other, we can help each other,” pahayag ni Father Babao sa panayam sa Radio Veritas.
Nilinaw ng Pari na hindi dapat maging hadlang ang pagkakaiba-iba ng relihiyon sa pagkamit ng kaayusan at kapayapaan para mapabuti ang kapakanan ng bawat mamamayan.
Itinakda ng United Nations ang International Day of Peace tuwing ika-21 ng Setyembre na naglalayong patatagin ang konsepto at kahalagahan ng kapayapaan at pagkakaisa ng lahat ng mamamayan mula sa 193-member country.
Ngayong taon, napili ng UN ang temang “The Sustainable Development Goals: Building Blocks of Peace” na hango sa 17-Sustainable Development Goals na napagkasunduan ng 193-Member States ng United Nations sa isinagawang Summit ng mga pinuno ng mga miyembrong bansa sa New York noong Setyembre ng nakalipas na taong 2015.
Ang Pilipinas ay bahagi na ng United Nations mula pa noong taong 1945 ng ito ay maitatag.
Ayon sa Kanyang Kabanalan Francisco, bukod sa karahasan wala ring pag-unlad ang bansang may digmaan, kaya’t patuloy ang pagsusulong ng Simbahan sa pagkakaisa at kapayapaan na makabubuti para sa pangkalahatan.