442 total views
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pagbisita sa Iraq ay upang dalhin ang kapayapaang hatid ng Panginoon sa sanlibutan.
Sa mensahe ng Santo Papa, sinabi nitong ipinabatid ng Panginoon sa mamamayan ng Iraq ang habag, awa at pag-ibig sa lahat lalo na sa mga biktima ng karahasang dulot ng digmaan at hindi pagkakasundo.
“I am coming as a pilgrim, as a penitent pilgrim, to implore from the Lord forgiveness and reconciliation after years of war and terrorism, to beg from God the consolation of hearts and the healing of wounds,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Ilan sa nakatakdang gawain sa Apostolic Visit ng Santo Papa sa Iraq ang pagpupulong nina Iraq President Barham Salih, Prime Minister Mustafa Al-Kadhimi, mga lider ng simbahang katolika sa bansa at lider ng iba’t-ibang religious organizations.
Hangad ni Pope Francis na pagkaisahin ang mamamayan ng Iraq sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pananaw at tradisyong kinagisnan.
Batay sa kasaysayan sumiklab ang kaguluhang tinaguriang Second Persian Gulf War o Iraq War noong Marso 2003 hanggang 2011 sa pagitan ng Amerika at grupo ni dating Iraq President Saddam Hussein at ba pang teroristang grupo.
Ayon sa Santo Papa, dapat na manaig at maisulong ang pagkakaisa ng mamamayan upang makamtan ang kapayapaan sa lipunan.
“I am coming as a pilgrim of peace, seeking fraternity and prompted by the desire to pray together and to walk together, also with our brothers and sisters of other religious traditions, in the steps of Father Abraham, who joins in one family Muslims, Jews and Christians,” dagdag ng Santo Papa.
Ikinagalak din ni Pope Francis ang pagdalaw sa Iraq sapagkat itinuring ito ng simbahan na ‘Church of martyrs’ dahil sa pagiging saksi ng iba’t ibang uri ng karahasan dahil sa pananaw at pananampalataya ng isang indibidwal.
Bibisitahin din ng Santo Papa si Grand Ayatollah Sistani, ang kilalang Iraqi Shia marja sa Najuf, at magdiriwang ng banal na misa sa Chaldean Cathedral ng Saint Joseph.
Dadalawin din ni Pope Francis ang pangulo at prime minister ng Erbil autonomous region, mag-alay ng panalangin sa mga biktima ng digmaan sa Hosh al-Bieaa sa Mosul at sa Qaraqosh community.
Mahigit dalawang dekada ng naghintay ang kalahating milyong katoliko ng Iraq sa pagdalaw ng Santo Papa makaraang ipinagpaliban ng pangulo ng Iraq ang pagdalaw noon ni St. John Paul II dahil sa digmaan.