167 total views
Kapayapaan sa Marawi City ang hangad ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Hesu Kristo.
Ayon sa Obispo, tulad ng pangarap ng bawat Maranao inaasam din nila ang muling pagbabalik sa Marawi lalu na yaong nakatira sa ‘ground zero’ na siyang pangunahing nasira ng limang buwang digmaan noong nakalipas na taon.
“Pangmatagalan at tuloy-tuloy na kapayapaan dito sa lugar namin sa Marawi at makabalik na ang aming mga residente dito lalu na sa ground zero at sana magkaroon ng mapayapang reconstruction at rehabilitasyon ng siyudad,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Sinabi ng Obispo, ito rin ang ginagawa ng bawat isa na pagtulong-tulungang tumayo sa sariling paa mula sa karahasan at pagkasira na dulot ng digmaan.
“It is something that we all have to work together of course. Sa panig naman natin yun naman ang ating layunin at pinagpapaguran sa ngayon na maitayo natin ang ating siyudad at ang sambayanang kristiyano kapiling ng mga Muslim mapayapa ang pagbabalik at pagtatayo at pamumuhay ng aming mga tao dito sa Marawi,” ayon pa sa Obispo.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Bishop Dela na pinahihintulutan pa lamang ang mga residente sa ‘ground zero’ na dalawin ang kanilang bahay subalit hindi pa rin pinapayagang makabalik dahil hindi pa natatapos na clearing operation ng militar.
“Simple lang ang aming hangarin sa buhay na makabalik na maayos, mapayapa at makapagsimula na kaming mamuhay ng mapayapa at makatayo sa sariling paa,” ayon pa sa Obispo.
Tinatayang higit sa 300,000 mga residente ang lumikas mula sa 96 na barangay ng Marawi sa nakalipas na digmaan kung saan umabot sa 1,000 ang nasawi kabilang na dito ang mga pulis, sundalo, terorista at mga sibilyan.
Ang ground zero ay binubuo ng 24 na barangay sa Marawi na naging sentro ng digmaan noong Mayo 2017 kung saan kabilang din dito ang kinaroroonan ng St. Mary’s Cathedral at ang bishop’s residence.
Ang katedral ng Prelatura ng Marawi ay unang itinatag noong 1934 na kabilang sa pangunahing nasira sa ‘Battle of Marawi’ na nilapastangan ng mga miyembro ng Maute-ISIS group sa kasagsagan ng digmaan at nabawi naman ng militar noong August 2017.
Noong October 1 sa kauna-unahang pagkakataon nang ipagdiwang ang misa sa nasirang St. Mary’s Cathedral na dinaluhan ng may 300 pulis at militar na nataon sa kapistahan ni St. Therese of Lisuex ang patron ng mga sundalo.