235 total views
Tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng tunay na kapayapaan sa bawat isa.
Ito ang binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa pagsisimula ng panibagong taong 2019.
Paliwanag ng Kardinal, bagamat ginugunita tuwing unang araw ng bagong taon ang Araw ng Pandaigdigang Panalangin para sa Kapayapaan ay hindi naman ito dapat na matapos lamang sa loob ng isang araw.
Giit ni Cardinal Tagle, magkakaroon lamang ng kapayapaan kung idadaan ito sa panalangin sapagkat ang kapayapaan ay regalo ng Diyos.
“Ang kapayapaan una sa lahat ay regalo ng Diyos, ang tunay na kapayapaan ay magmumula laman sa Diyos lalo na sa kanyang anak na isinilang bilang Prinsipe ng Kapayapaan, walang tunay na kapayapaan na maibibigay ng tao, ng business, ng mundo ang nakapagbibigay lamang niyan ay ang Diyos…” bahagi ng homiliya ng Kanyang Kabunyian.
Pagbabahagi ng Cardinal, walang tunay na kapayapaan na matatamo mula sa tao, negosyo o sa mundo dahil ang makapagbibigay lamang nito ay ang Diyos sa pamamagitan ng bendisyon.
Dahil dito, nilinaw ng Kanyang Kabunyian na kung walang pananampalataya at panalangin ay wala ring kapayapaan na manggagaling sa Diyos.
“Kung walang dasal, walang tunay na kapayapaan lalo na kapayapaan ng kalooban hindi lang yung kapayapaang panlabas, ang kapayapaan na naranasan ni Maria bunga ng pananampalataya at panalangin ay ang kapayapaan na galing sa Diyos…” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Umaapela rin ang Cardinal sa bawat pamilyang Filipino na muling ibalik ang kultura ng pagdarasal habang inanyayahan ang mga may gadgets o smart phones tulad ng mga kabataan na mas dagdagan ang mga Prayer Apps o applications sa mobile phones.
“No peace will come without prayer. Sa mga pamilya ibalik ang dasal, yung mga may cellphone at mga apps dagdagan ang mga prayer apps kesa sa kung anu-ano ang binabasa dasal, habang ikaw ay naglalakbay kung anu-ano ang pinakikinggan mo, pakinggan mo ang mga dasal, pakinggan mo ang mga sacred music manalangin ka tulad ni Maria…” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Samantala kasabay rin ng unang araw ng bagong taon kung kailan ginugunita ang World Day of Prayer for Peace ay ang Solemnity of Mary, the Holy Mother of God o ang Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos.
Ayon kay Cardinal Tagle, tulad ng Mahal na Birheng Maria mahalagang magabayan at maturuan ng mga Ina ng tahanan ang kanilang buong pamilya na manalangin.
“Ang mga Ina experts sa prayer, ang mga Ina nakakatagpo ng kapayapaan dahil sa panalangin ganyan si Maria, Ina ng Diyos so mga nanay turuan niyo ang mga anak niyo na manalangin…” apela ni Cardinal Tagle.
Hinikayat din ng Cardinal ang bawat isa na matutong maging mapagkalinga hindi lamang para sa kapakanan ng kapwa at mga nangangailangan kundi maging para sa kalikasan, kapaligiran at para sa buong daigdig.
Samantala tema naman ng 52nd World Day of Peace 2019 ngayong taon ang “Good Politics is at the Service of Peace” kung saan unang binigyang diin ni Pope Francis na malaking ang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagkamit ng pangkabuuang kapayapaan sa buong daigdig.