381 total views
Pagdarasal para sa kapayapaan ng Pilipinas at ng buong mundo.
Ito ang mensahe ng pagdiriwang ng ika-100 taon ng Aparisyon ng Fatima- ang paghahangad ng kapayapaan para sa bawat isa ayon kay Msgr. Bartolome Santos, Rector of the National Shrine of Our Lady of Fatima.
“One hundred years ago ay talagang nagsasabi sa mga bata na kailangang gumawa ng pagdarasal, pagninilay at penance at syempre sa Eukaristiya para sa kapayapaan. Kung maaalala, 1917 WW1, inabot pa ng 1940’s na World War II at ito ang matindi, dahil nga sa pagsunod sa pagdarasal ng rosaryo, eukaristiya, penance even the WWIII supposedly dahil sa Russia, …napigil yon. Kaya nga yung consecration ng Russia noong March 25, noong 1984, may napigil doon ang manaka-nakang digmaang pandaigdig,” ayon kay Msgr. Santos.
Ayon kay Msgr. Santos, kasabay ng pagdiriwang ay ang canonization din nina Francisco at Jacinta-habang nasa proseso pa ang pagtatalaga sa kabanalan naman ng pinsan nilang si Lucia-sila ang mga batang pastol na pinagpakitaan ng Mahal na Ina noong 1917.
“At ngayon, ito yung mahalaga sa ating bansa. Tayo rin naman gusto naman natin talaga mapayapa. Ayaw natin ng may sigalot, ayaw natin ng may mga namamatay, ayaw natin ng bomba, ayaw na ng mga Pilipino ng digmaan alam niyo naman yon. Kaya nga noong 1986 sa tulong ng Mahal na Birhen ng Fatima na nandito ngayon sa Pambansang Dambana ang imahe ng EDSA revolution, ayaw natin talaga ng marahas na paraan, kahit saan, natural yata sa Pilipino na ang kalikasan natin ay katahimikan at kapayapaan daanan natin yan sa usapan. Tayong mga Katoliko daanin natin yan sa dasalan, daanin natin yan sa ating pagdiriwang at sa ating mga ginagawang pagsamba sa Panginoong Diyos at sa pagpaparangal natin sa mahal na Birhen ng Fatima,” paliwanag ni Msgr. Santos.
Giit pa ng pari, maliwanag ang hangarin ng Mahal na Birhen sa mga batang pastol na dapat isapuso ng bawat mananampalataya –ang magdasal para sa kapayaan ng mundo. Inaanyayahan din ni Msgr. Santos ang mananampapalataya sa isasagawang pagtatalaga ng ating bansa sa Fatima at Kalinis-linisang Puso ni Maria at ang pagpuputong ng korona at rosaryo na mula pa sa Fatima, Portugal.
“At yun po’y nakakatuwa hindi lamang po korona pati po rosaryo nagbigay po kaya yun na yung magiging dala-dala ng mahal na Birhen ng Fatima dito sa dambana yung rosaryong nanggaling po sa Fatima, Portugal bigay po ng rector doon, sinasabi pong nakiki-isa nga sila, tayo, sabay-sabay sa May 13, buong daigdig, lahat po ng mayroong parokya at imahe ng Fatima na talagang manalangin sa mahal na birhen,” ayon ay Msgr. Santos.
Ang pagtatalaga o concecration ng Pilipinas ay isasagawa dakong alas-6 ng gabi sa National Shrine of Fatima sa Valenzuela City na pangungunahan ni Malolos, Bishop Jose Oliveros.
Ang imahe ng Fatima na kokoronahan ay yaong imahe na dinala noon sa EDSA1 People Power Revolution 1986 na ang pangunahing sandata ng mamamayan ay dasal at rosaryo.
Ang naganap na EDSA People Power ay isang mapayapang pagbabago para mapatalsik ang isang diktaduryang administrasyon kung saan kinilala ang bansang Pilipinas sa buong mundo.
Read:
Cardinal Tagle to bless and distribute 200 images of Our Lady of Fatima