260 total views
Inaasahan ng isang Obispo na masusugpo ng Duterte administration ang malaking problema ng kidnapping at makamit ng taga-Mindanao ang kapayapaan.
Naniniwala si Basilan Bishop Martin Jumoad na malaki ang maitutulong ng isang Pangulo na taga-Mindanao dahil alam nito ang ugat ng mga problema sa rehiyon.
Kumbinsido si Bishop Jumoad na matutukan ng bagong presidente ang matagal nang problema sa pagkakaroon ng kapayapaan sa rehiyon at sa buong bansa.
Tiwala din ang Obispo na mabubuwag ng Pangulong Duterte ang “kidnapping business” sa Mindanao.
Ipinagdarasal ng Obispo na maayos at matatapos ng bagong administrasyon ang malaking problema sa mga bandidong Abu Sayyaf.
“With a president from Mindanao, he can address the problem on peace and order especially kidnapping. Abu Sayyaf problem must be finished,”pahayag ni Bishop Jumoad sa Radio Veritas.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC noong 2015, 17,113-pamilya ang internally displaced person mula sa 59 na barangay sa North Cotabato at Maguindanao dahil sa rito at kaguluhan doon.
Noong nakaraang Abril, pinugutan ng ulo ng bandidong grupo ang kanilang hostage na si John Ridsdel at nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay pinugutan din ng ulo ang Canadian national na si John Hall matapos hindi ibigay ang hinihingi nilang ransom.
Anim na araw na ang nakalipas, pinalaya naman ng bandidong Abu Sayyaf ang Pinay hostage na si Marites Flor.
Sa kasalukuyan, hawak pa rin ng bandidong grupo ang 7-Indonesian sailors ng tugboat Charles-001 na kanilang dinukot sa Jolo.