185 total views
Ang kapayapaan at pagtulong sa mga dukha ang sentro at puso ng Pasko.
Ito ang naging buod ng pagbati ngayong holiday seasons ng Kanyang Kabunyian Cotabato Archdiocese Orlando Cardinal Quevedo sa sambayanang Pilipino na nagsusulong ng ikauunlad ng mahihirap at kapayapaan lalo na sa Mindanao.
Sinabi pa ng Kardinal na ang Mesiyas ay isinilang na dukha sa sabsaban ng Bethlehem na tanging hatid ay pagmamahal at kapayapaan lalo na sa mga naghihikahos at nananahan sa kadiliman.
Kaugnay nito, iginiit pa ni Cardinal Quevedo na sa patuloy na pagdami ng bilang ng napapatay sa kampanya kontra iligal na droga na tinatayang nasa mahigit anim na libo na at sa pagsusulong ng death penalty at ibang pang kultura na sumisira sa buhay ay manindigan pa rin ang lahat sa pagpapahalaga sa mga mahihirap at sa dignidad ng buhay.
Hiniling rin nito sa mga mananampalataya na panibaguhin ang pananalangin na hindi lamang para sa sariling intensyon kundi ipanalangin rin ang buong bansa at buong mundo na kumilos sa tunay na kapayapaan.
“Ang kapayapaan at ang mga dukha ang siyang sentro at puso ng pasko. Ang Mesiyas ay isinalang na dukha binasbasan at dinakila niya ang mga dukha. Itinuturing niyang mga anak ng Diyos ang kumikilos para sa kapayapaan sa ating bansang naghihikaos at nababalot ng dilim. Nawa’y palagi nating bigyang pansin ang mga dukha Nawa’y bigyan nating halaga at paggalang ang buhay. Panibaguhin ang panalangin at nawa’y kumilos tayo para sa tunay na kapayapaan na sumasaatin bilang biyaya ng Maykapal,” bahagi ng Christmas greetings ni Cardinal Quevedo sa mga mananampalataya sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 10.5 milyong pamilyang Filipino o 46% ang nagsabing sila ay mahirap sa unang quarter ng 2016, mas mababa sa 11.2 milyong pamilyang Filipino o 50% noong 2015 sa kaparehong panahon.
Una ng ipinanawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagkalinga sa mahihirap sa pamamagitan na rin ng awa na may kaakibat na gawa gaya ng pagbabahagi sa kanila ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at huwag silang balewalain ng estado.