16,209 total views
Patuloy na ipinapanalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kaayusan at kapayapaan ng buong daigdig.
Sa Angelus na pinangunahan ni Pope Francis hiniling nito ang pamamatnubay ng Mahal na Birheng Maria para sa kahinahunan ng puso ng mga biktima ng karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito rin ay kaugnay sa pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Mt. Carmel sa July 16.
“May the Mother of God, whom we will celebrate the day after tomorrow as the Blessed Virgin of Mount Carmel, give comfort and obtain peace for all the peoples who are oppressed by the horror of war,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Muling hinimok ng santo papa ang mananampalataya na ipanalangin ang mamamayan ng Ukraine, Palestine, Israel at Myanmar na patuloy humaharap sa karahasan bunsod ng digmaan dahil sa kapangyarihan.
Nawa ayon kay Pope Francis ay matamo ng mundo ang paghihilom mula sa mga sakuna, digmaan, kahirapan at kagutuman sa tulong mga panalangin ng Mahal na Birheng Maria tungo sa kay Hesus.
Batay sa kasaysayan 12th century nang manirahan ang mga ermitanyo sa Mount Carmel sa Israel kung saan nagtayo ng mga kapilyang itinalaga sa Mahal na Birheng Maria habang ika – 13 siglo nang makilala ang grupo bilang “Brothers of Our Lady of Mount Carmel.”
Taong 1726 nang kilalanin at ipagdiwang ng buong simbahang katolika ang kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel.
Ilang mga banal din ng simbahan ang kumikilala sa Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo tulad nina Santa Teresa ng Avila, si Saint John of the Cross na kumilala sa Birhen ng Carmelo na tumulong na makaligtas mula sa pagkalunod at makatakas mula sa pagkabilanggo gayundin ang paggaling ni Saint Therese of the Child Jesus mula sa karamdaman.
Bukod pa rito ang naiulat na pagpakita ng Mahal na Birhen kay Saint Simon Stock ang tagapamuno ng Carmelites kung saan ipinagkaloob ang isang scapular at hiniling na ipalaganap ang debosyon sapagkat isinasagisag nito ang proteksyon mula sa anumang kapahamakan.