1,385 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ng United Nations ang araw na ito, Mayo 21, bilang World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development. Hindi natin karaniwang naririnig ang araw na ito, ngunit mahalaga ang simpleng mensaheng hatid nito: sa kabila ng ating pagkakaiba-iba, makakamit natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap o pakikipag-diyalogo.
Sabi pa ng United Nations, kung bibilangin ang mga pangunahing alitan o major conflicts sa iba’t ibang bansa, tatlo sa apat na hidwaan ay may kultural na dimesyon. Kung malalampasan lamang ang mga pagkakaibang ito sa kultura sa pamamagitan ng pag-uusap sa halip na makipagmatigasan gamit ang dahas at armas, higit na magiging mapayapa ang ating daigdig. Sa pamamagitan ng World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development, ang bawat bansa ay hinihikayat na: una, suportahan ng pamahalaan ang pagpapayabong ng kultura; ikalawa, gawing balanse ang pagdaloy at pag-ikot ng mga tinatawag na cultural goods and services, kasama rito ang malayang pagkilos ng mga nasa larangan ng sining; ikatlo, isaalang-alang ang iba’t ibang kultura sa mga balangkas na gagabay sa pagkamit ng kaunlaran; at ikaapat, itaguyod ang mga karapatang pantao o human rights at mga batayang kalayaan o fundamental freedoms.
Dito sa Pilipinas, maliban sa tinatawag nating historical injustice sa mga kababayan nating Muslim at lumad sa Mindanao, makikita ring nakaugnay ang gulo roon dahil sa kawalang kabukasan ng ilang grupo, kabilang ang ilang Kristiyano, na makinig sa isa’t isa. Ngunit sa pamamagitan ng pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa bisa ng Bangsamoro Organic Law, masasabi nating kaya namang lampasan ang mga hidwaanng bunga ng pagkakaiba-iba ng kultura at pananampalataya sa pamamagitan ng pag-uusap at walang pagod na pag-unawa kung saan nanggagaling ang ating kapwa. Bunga ang Bangsamoro Organic Law ng ilang taóng pagkikipagdiyalogo ng pamahalaan ng Pilipinas at mga kapatid nating Moro, na kinatawan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF. Inaasahang maliban sa mabibigyan ng pagkakataon ang mga kapatid nating Moro na magpasya para sa kanilang sarili, maiibsan din ang mga alitan sa Mindanao. Bilang isang rehiyong may awtonomiya, paiiralin nila ang mga batas na batay sa kanilang kultura ngunit alinsunod pa rin sa Saligang Batas ng bansa. Kung maipatutupad nang maayos, magiging patunay ang Bangsamoro Organic Law na posible ang kapayapaan sa kabila ng tinatawag nating cultural diversity.
Ang pagsisikap na lampasan ang ating pagkakaiba-iba sa pamamagitan ng pag-uusap at pagsusulong ng kaunlaran ay pagsasabuhay ng isa sa mga haliging prinsipyo ng Catholic social teaching: ang peace and active non-violence o kapayapaan at aktibong di-paggamit ng dahas. Sabi nga ni Pope Paul IV sa Gaudium et Spes, ang kapayapaan ay nagmumula sa mutual trust o tiwala sa isa’t isa, hindi sa takot. Ang kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng digmaan; ito ay ang pamamayani ng katarungan sa lipunan at pagkakaroon ng pagkakaisa. At mamamayani ang katarungan at magiging matiwasay ang ating pamumuhay bilang isang bayan kung uunawain natin ang ating pagkakaiba-iba at kung magagawa nating yakapin ang pagkakaiba-ibang ito sa ngalan ng kaunlaran ng lahat.
Kaya mga Kapanalig, katulad ng nilalayon ng paggunita sa World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development ngayong araw na ito, magawa rin sana nating buksan ang ating isip at puso sa mga taong iba ang pananaw, paniniwala, paninindigan, at pamumuhay. Ngunit sa ating pakikipagdiyalogo sa kanila, manatili tayong tapat sa tunay na mabuti, sa katotohanan, at sa dignidad ng tao. Iwasan nating ikahon ang ating kapwa at sukatin ang kanilang pagkatao batay sa ating mga pamantayan, bagkus ay igalang natin ang kanilang kultura, pananampalataya, at pananaw, hanggang sa mapagkasunduan natin ang tunay na magbubuklod sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.