610 total views
Nananawagan si Father Carlos Reyes, Kura Paroko ng Our Lady of Fatima Parish sa Mandaluyong City sa mananampalataya na magrosaryo at hilingin sa Mahal na Birhen ng Fatima ang pag-aadya mula sa banta ng digmaan.
Ito ay sa ginanap na “Mass for World Peace and Ukraine” sa Our Lady of Fatima parish na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ayon sa Pari, ang idinaos na misa ay kaugnay ng pag-aadya at aparisyon sa Fatima Portugal ng Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata noong 1930 sa pagkaranas ng mundo ng World War I.
“Kagaya po ng sinabi ng Mahal na Ina 100 years ago na ang nakakaraan manalangin po tayo, let’s pray the rosary magbalik loob po tayo sa panginoon, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at lalung-lalu na ipinalangin natin yung conversion ng mundo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Ibinahagi ni Father Reyes na isang misa din ang ginanap sa Chapel of the Eucharistic Lord sa SM Megamall na pinangunahan ni Monsignor Bong Lo na inorganisa Military Order of Hospataliers of Malta, Order of Malta para sa Ukraine.
Labis rin ang kagalakan at pasasalamat ni Father Reyes sa pagpapaunlak ni Cardinal Advincula upang pangunahan ang misa kasunod ng panawagan ng mga Obispo ng Ukraine sa buong mundo na ipinanalangin sa kalinis-linisang puso ni Maria na tumigil na ang tensyon sa pagitan Ukraine at Russia.
Iginiit ni Father Reyes na mahalaga ang pagdaraos ng mga misa para sa kapayapaan upang ipag-adya ng Panginoon ang buong daigdig mula sa banta ng digmaan katulad ng alitan sa pagitan ng China at Taiwan.
“Nakakatakot din dahil dito sa Asia mayroon ding problema ng Taiwan, China atsaka Taiwan na baka magkaroon din ng digmaan at masasangkot din tayo, ganon ang nangyari noong World War II, nagkaroon ng giyera sa Pacific, Nagkaroon ng Giyera sa Europe buong mundo ay sumailalim sa giyera,” ayon pa sa Pari.
Sa pinakahuling tala ng United Nations noong March 13 2022, umaabot na sa mahigit 600 ang nasawi at higit sa 1-libong sibilyan na ang iniwang sugatan ng patuloy na pananakop ng Russia sa Ukraine.