1,203 total views
Hinikayat ng punong pastol ng Prelatura ng Infanta ang mananampalataya na hingin ang tulong ng Mahal na Birhen Maria lalo na sa gitna ng naranasang pandemya.
Ayon kay Bishop Bernardino Cortez, sa gitna ng pandemyang dulot ng corona virus ay hindi nawawala sa mga Filipino ang pusong maka-Ina lalo’t ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo na ginugunita tuwing ikapito ng Oktubre.
Ipinaliwanag ni Bishop Cortez na makatutulong ang pagrorosaryo sa Mahal na Ina upang matuklasan ang dakilang pagliligtas ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan.
“Tayo’y dumulog at manalangin sa Mahal na Ina dahil sa pamamagitan niya mapagnilayan natin ang hiwaga ng buhay ng pagliligtas ng Panginoon sa misteryo ng rosaryo,” pahayag ni Bishop Cortez sa Radio Veritas.
Iginiit ng obispo na hindi sapat ang pagbigkas sa Mahal na Birhen pangalagaan mo kami bagkus ay tauspusong pagsusumamo sa kanya na diringgin ng Panginoon ang kahilingan ng bawat mananampalataya.
Itinalaga ang buwan ng Oktubre bilang Buwan ng Santo Rosaryo kung saan hinimok ang bawat pamilya na magdasal ng rosaryo bilang paraan ng pagdulog sa Diyos ng bawat kahilingan.
“Sabi nga sa kasabihan ‘the family that prays together, stays together; and the nation that prays, the nation is secure,” dagdag pa ng obispo.
Nagpapatuloy pa rin sa bansa ang Healing Rosary for the World na pinasimulan ng Kanyang Kabanalan Francisco noong Abril bilang hakbang ng simbahan na masugpo ang paglaganap ng COVID-19 sa buong daigdig.
Pinangungunahan ng iba’t ibang basilica at dambana sa Pilipinas ang pagdarasal ng Santo Rosaryo tuwing Miyerkules ganap na alas nuwebe ng gabi kung saan sa mismong kapistahan ay gaganapin sa Santisimo Rosario Parish sa University of Santo Tomas.