250 total views
Homily
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
San Fernando de Dilaw, Paco, Manila
August 20, 2017
Minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat sa Diyos na nagtipon sa atin bilang isang sambayanan ngayong ika-418 anibersaryo ng ating parokya, kasabay po ang ating taunang pagdiriwang ng kapistahan ng Panginoong Hesukristo ng Santo Sepulcro.
Mayaman sa kahulugan ang ating mga pagbasa tungkol sa pagdurusa hanggang kamatayan ng Panginoong Hesus na humantong sa paglilibing sa kanya sa sepulcro, sa libingan. Pero alam din natin na ang libingan na hantungan ng mga namatay, para kay Hesus ang libingan kung saan nagkaroon ng muling pagkabuhay.
Sa mga pagbasa, mayroong isang larawan na parang pabalik-balik lalo na sa unang pagbasa at sa ebanghelyo, ito ang larawan ng ahas.
Siguro kapag tayo ay sinabihan, “Para kang ahas,” wala naman sa ating magsasabi, “Uy, salamat ha, laking karangalan yan, ahas ka rin.” Baka ikaw ay madagukan.
Ang ahas ay isang nilalang ng Diyos na parang kinatatakutan. Makakita lang ng ahas, sumisigaw, tumatakbo ang mga tao. Ang ahas ay ating iniuugnay sa kamandag na nakamamatay, at pati naman sa bibliya ang ahas ang nanukso kay Adan at Eba, ang ahas ang nagdala ng kamatayan na tinatawag nating tukso patungo sa kasalanan.
Kaya nga sa unang pagbasa ang mga lumapastangan sa Diyos, nakalimot sa Diyos sa kanyang kabutihan, dahil sa kanyang uhaw ay tinuka ng ahas, at sa ebanghelyo, si Hesus ay ikinumpara sa ahas.
Kung papaanong ang ahas ay itinaas ni Moises, gayundin naman ang anak ng tao ay itataas. Parang gusto nating tanungin ang sumulat ng ebanghelyo, si San Juan, “San Juan, ang dami mo namang puwedeng gamitin na larawan para kay Hesus, at marami kang ginamit sa buong ebanghelyo,” kay San Juan dun natin naririnig, si Hesus ang tinapay ng buhay, yun maganda yon! Si Hesus ang daan, katotohanan at buhay, Si Hesus ang mabuting Pastol, ang ganda! Si Hesus ang pintuan patungo sa mga tupa, maganda. Pero katulad ng ahas si Hesus ay itataas, parang hindi mabuting balita, pero totoo nga naman, ang tingin ng ilang mga kababayan ni Hesus sa kanya ang tingin ng mga eskriba, pariseo at mga punong pari, ito ay ahas, tinutukso tayo para lumihis sa daan ng Diyos.
Ito ay ahas, parang binabago niya ang turo ng Diyos. Ito ay ahas, dinadala tayo sa kasalanan. Ito ay ahas, marumi, nakikipagkainan kasama ang mga publikano, mga babaeng makasalanan, hinahawakan ang mga may sakit na ketong, hinahayaang ang mga babae na inaalipusta ng lipunan na lumapit sa kanya.
Totoo ang tingin nila sa kanya ay makamandag at peligrosong ahas, at kung papaanong ang ahas, hindi lamang tinatakbuhan kundi pinapatay, pinatay nila si Hesus.
Subalit, ang ahas ay hindi lamang larawan ng kamandag na nakamamatay, ang ahas din ay simbolo ng pagiging mabunga, fertility. Kung kaya sa unang pagbasa, ang ahas na nakamamatay, kapag tiningnan mo ng may pananampalataya sa Diyos, ikaw ay maliligtas.
Parang sinasabi ng ebanghelyo, itinuring ng mga tao si Hesus na ahas na nakamamatay at dapat patayin, subalit sa kamay ng Diyos, hindi Siya ang ahas na dapat kamuhian, S’ya ang tagadala ng buhay. At kung papaanong ang ahas na itinaas ni Moises ay naiba, hindi na s’ya ahas na nakamamatay, kundi ahas na nakapagbibigay buhay.
Si Hesus din, kapag tiningala natin ng may pananampalataya, tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Mga kapatid ito ang isa sa aral natin ngayon, ingat lang tayo sa paghuhusga sa mga tao na mukhang sa tingin natin ahas. Kasi baka yang inaahas natin, yan pala ang maaaring magbigay buhay.
Minsan yung ahas o mukhang ahas na kinatatakutan natin, imulat mo lang ang mata mo, mata ng pananampalataya at pag-ibig, mata ng katotohanan, tingnan mo hindi pala ahas, kundi nagbibigay buhay.
Naalala ko po nung ako’y Parish Priest, syempre maraming tao na lumalapit sa iyo, minsan natatandaan mo na “ah ito, makulit ito, ito reklamador ito, ito manghihingi yan.”
Kaya minsan iniiwasan mo, hindi mo man sinasabi, sa isip mo para na rin silang ahas.
Minsan po may dumating dun sa kumbento, isang taong gusgusing-gusgusin. Nakita ko naman, pero ang unang nakausap ay yung sekretarya, lumapit sa akin yung sekretarya, sabi “Father, may naghahanap sa inyo,” sabi ko, “nakita ko nga,” sabi [n’ya] “mukhang manghihingi” kasi araw-araw may mga nanghihingi, sabi ko naman, kung manghihingi, edi bigyan mo. Sabi niya naubos na yung budget ko sa araw na ito para sa mga nanghihingi. Sabi ko, sige ako nang lalabas.”
Sabi ko [sa tao] “O ano ho ba?” sabi niya, puwede ho ba kayong makausap? Sabi ko, alam po ninyo kaming mga pari ay napakaraming gawain, sabihin niyo na po ngayon kung ano ang gusto ninyo? Sabi niya, pribado ho, doon ho sa opisina ninyo.
Parang nagpapanting na yung tenga ko, sa loob-loob ko lang, kung hihingi ka rin lang naman ng panggamot, pamasahe, sabihin mo na, papasok pa tayo sa opisina ko, tapos magkukuwento ka pa ng pagkahaba-haba na mapapaiyak ako tapos doon din naman uuwi, pahingi. Ito ho yung takbo ng utak ko, makulit, sabi ko, O sige na pasok na. Pag-upo namin sabi ko, ano ho ba ang kailangan ninyo, sabihin na po ninyo? Sabi niya, wala po akong kailangan, gusto ko pong mag-donate sa parokya. Sabi ko, ano hong pangalan ninyo? Gusto niyo ho ng kape? Gusto niyo ng ano? Talagang ako’y hiyang-hiya, hiyang-hiya sa Diyos.
Sabi ko bakit nga ba tayong mga taong mapanghusga, hindi pa nga natin kilala, di pa natin nakakausap, meron na tayong mga paningin, ahas.
Pero sabi sa ebanghelyo tumingala ka, tumingin ka sa langit, mata ng pananampalataya at baka ang inaahas ng mundo, siya ang sugo ng Diyos.
Hindi nga siya mukhang anak ng Diyos, bakit? Kasi sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, bagamat Siya’y Diyos, hinubad niya ang karangalan ng pagka Diyos. Kaya madali siyang husgahan ng iba, madali siyang alipustahin, hindi lamang nila alam, ito ang anak ng Diyos na nagdala ng pag-ibig sa atin. Hinubad ang lahat at dumating siya hindi upang tayo ay husgahan kundi upang iligtas.
Ang panahon po natin ngayon nagiging mapanghusga, naiisip ko nga lamang ho, kung ikaw ay mayroong apelyido na tunog muslim, kawawa ka, sisimangutan ka na, tatalikuran ka na, walang tatabi sayo, para kang ahas.
Para po sa mga nakadalo noong PCNE 4, mayroon doong isang napakabuting babae, muslim na nag-aral sa catholic schools at ngayon ang kanyang adbokasiya ay ituro sa mga batang muslim, paano mahalin ang mga kristiyano, at itinuturo niya sa mga batang kristiyano, papaano maaalis ang pangungutya sa mga muslim.
At nagbasa siya ng tula noong huling araw ng PCNE, ang title ng tula, naranasan mo na ba? sabi niya naranasan mo na ba na dahil ikaw ay nakabalot ang ulo at ikaw ay muslim, ikaw ay iniiwasan, naranasan mo na ba na dahil ang apelyido mo ay ganito, hindi ka na tatanggapin sa trabaho, naranasan mo na ba na ang mga makakaharap mo sa kalye biglang liliban sa kabila, naranasan mo na ba?
Sa akin pong pagikot-ikot dahil sa akin pong tungkulin sa Caritas, nakakapunta po ako sa mga lugar na walang kristiyano, ke-pari ka, Obispo ka, kardinal ka, bale wala, hindi naman nila naiintindihan ano yang pari, kristiyano, cardinal. Nararanasan ko.
Ang ating panahon ngayon puro ganyan. Adik ka, ahas ka, dapat kang patayin! Mahirap ka, squatter ka, ahas kayo! Nakakarumi kayo dito, dapat kayong paalisin.
Tumingala tayo, mata ng pananampalataya. May kapansanan ka, pabigat ka! Buntis ka, anak na naman, pabigat yan, ipalaglag yan! Bingi naman yan hindi naririnig ang ating sinasabi, pag-chismisan natin.
Ito ang mga itinuturing nating parang mga ahas.
Mga kapatid, tumingala sa langit at taglay ang mga matang nilinis ng pananampalataya at pag-ibig, makita natin ang katulad ni Hesus, inalipusta ng mundo, ibinaon sa libingan, subalit sa katunayan, S’ya ang sugo na anak ng Diyos.
Idalangin po natin ang kakayanan nating tumingala, tumingin nang may pananampalataya.
Sabi nga ng isang lumang awit, Hesus na aking kapatid, sa lupa nami’y bumalik, iyong mukha’y ibang-iba, hindi kita nakikilala, tulutan mong aming mata, mamulat sa katotohanan, ikaw poon makikilala sa taong mapagkumbaba.