935 total views
Matagumpay ang isinagawang Diocesan Celebration sa karangalan ni Blessed Carlo Acutis sa Diocese of Malolos.
Tampok sa pagdiriwang ang pagdalaw ng relic ni Beato Carlo sa iba’t ibang simbahan at tanggapan sa lalawigan na layong palawakin ang debosyon ng batang banal.
Nagsimula ang gawain noong October 5 sa St. James the Apostles sa Plaridel Bulacan kung saan pinangunahan ng kabataan ang pagdarasal ng Santo Rosaryo bago ang Banal na Eukaristiya.
Dinalaw din ng relikya ang St. Isidore the Farmer Parish sa Valenzuela City; National Shrine of the Divine Mercy sa Marilao; St. Augustine Parish sa Baliwag; Religious of the Divine Word Convent sa Malolos; Immaculate Conception Major Seminary sa Guiguinto; Malolos City Hall; Bulacan Provincial Capitol; at sa Minor Basilica and Cathedral of the Immaculate Conception.
Noong October 8 pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo – Episcopal Promoter ng Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines ang Banal na Misa.
Sa kanyang homiliya ay hinikayat ni Bishop Villarojo ang mananampalataya na tularan ang pamumuhay ni Beato Carlo sa kabanalan na binibigyang pahalaga ang Panginoon sa kabila ng mga makamundong bagay.
“This is the genius of blessed carlo acutis na sa mura niyang pag iisip kanyang napagtanto na ganun pala ang buhay ng tao hindi yung sunod-sunuran tayo sa sa mundo … anupaman ang mga bagay na ibinigay sa atin ng mundo hindi ito ang pinaka-mahalaga, babalik at babalik tayo sa pinanggalingan natin ang Diyos na naglikha sa atin, nagbibigay ng buhay, nagbibigay ng biyaya sa araw-araw,” pahayag ni Bishop Villarojo.
October 12 ang kapistahan ni Beato Carlo na tinaguriang patron ng kabataan at Computer Programmers.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Kuya Carlo: God’s Young yet Powerful Influencer of Today’s Generation” dahil sa pagiging mabuting halimbawa ng beato na ginamit ang makabagong teknolohiya upang maipalaganap ang kahalagahan ng Eukaristiya.