1,719 total views
Itinuring ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus na natatangi at makasaysayan ang pagdiriwang ng kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ngayong taon dahil ipagdiriwang na ito sa lahat ng simbahan sa buong bansa.
Ayon kay Basilica Rector at Parish Priest, Balanga Bishop – elect Rufino Sescon Jr. magandang pagkakataon ito upang higit na mailapit sa tao ang debosyon ng Jesus Nazareno lalo na sa malalayong lugar sa bansa.
“Makasaysayan ang ating piyesta sa taong ito sapagkat sa unang pagkakataon ito ay hindi lamang piyesta ng Quiapo ng Maynila kundi ng buong Pilipinas, it’s a liturgical feast,” pahayag ni Bishop-elect Sescon.
Matatandaang kasabay ng kahilingan ng Quiapo Church sa Vatican sa pamamagitan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na gawing national shrine ang basilica ay hiniling din nitong pahintulutang gawing national feast ang January 9.
Nilinaw din ng rector na hindi na kinakailangang makipag-ugnayan sa Quiapo Church ang mga parokya sapagkat sapat na ang deklarasyon ng national feast para ipagdiriwang sa humigit kumulang limang libong parokya sa bansa ang kapistahan ng Jesus Nazareno.
Gayunpaman bagamat inaasahang mababawasan ang milyong milyong deboto na dadalaw sa basilica dahil sa national celebration, mananatiling mahigpit ang ipatutupad na seguridad para matiyak ang kaligtasan ng mga debotong makikiisa sa mga pagdiriwang sa January 9.
“Bagamat laganap na, natutuwa tayo na yung hindi makakapunta sa Quiapo (Church) magkaroon sila ng local celebration pero naghahanda pa rin tayo sa pagdagsa at pagpunta ng mga deboto dahil para sa karamihan wala pa ring makapapalit sa pagpunta at pagdalaw sa dambana ng Jesus Nazareno,” giit ni Bishop-elect Sescon.
Tema ng Nazareno 2025 ang ‘𝙈𝙖𝙨 𝙈𝘼𝘽𝙐𝙏𝙄 𝙖𝙣𝙜 𝙋𝘼𝙂𝙎𝙐𝙉𝙊𝘿 𝙠𝙖𝙮𝙨𝙖 𝙋𝘼𝙂𝙃𝘼𝙃𝘼𝙉𝘿𝙊𝙂 (1 𝙎𝙖𝙢. 15:22) 𝙨𝙖 𝙢𝙜𝙖 𝙐𝙈𝘼𝘼𝙎𝘼 𝙠𝙖𝙮 𝙅𝙀𝙎U𝙎’ kaya’t apela ni Bishop-elect Sescon sa mga deboto ang pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntuna sa pagdiriwang ng kapistahan upang magkaroon ng kaayusan.
“Ako’y nananawagan sa mga deboto na ang pagpapahayag ng pananampalataya ay bahagi ng pagsunod kaya’t para mas maging maayos ang pagbabalik natin sa nakagawiang debosyon ng mga tao sa Poong Jesus Nazareno, kaya huwag po nating sasalubungin, huwag haharangin, at huwag pumanik sa andas para mapabilis at maayos ang ating pagdiriwang,” giit ng rector.
Nagsimula ang gawain ng pista noong December 31 sa misa nobenaryo habang noong January 2 nakiisa ang mahigit isang libong replica at standarte sa tradisyunal na pagbabasbas kung saan ito ay pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Samantala magsisimula naman sa January 7 ang nakagawiang pahalik sa imahe ng Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand habang ang fiesta masses ay sisimulan sa January 8 sa alas tres ng hapon hanggang sa alas onse ng gabi ng January 9 o kabuuang 33 fiesta masses.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang Misa Mayor sa alas dose ng hatinggabi sa Quirino Grandstand bago ang isasagawang traslacion pabalik sa dambana ng basilica.