442 total views
May 20,2020-1:09pm
Bawat deboto ay kasama sa diwa at panalangin sa pagdiriwang ng kapistahan ng Obando.
Ito ang mensahe ni Fr. Virgilio Ramos, ang kura paroko ng San Pascual Baylon Parish o mas kilala rin bilang Obando Church kaugnay sa pagdiriwang ng tatlong araw na kapistahan sa bayan ng Obando.
Alinsunod sa ipinatutupad ng pamahalaan na community quarantine at physical distancing bilang pag-iingat sa sakit na coronavirus disease, hindi nagkaroon ng sayawan sa kalsada ng Obando at limitado rin ang dumalo sa mga Misa para sa tatlong araw na kapistahan ng parokya.
“Marahil nalulungkot kayo dahil hindi kayo nakadayo sa bayan ng Obando upang papurihan ang ating tatlong patron. Huwag kayong malungkot kayong nasa tahahan, nasa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging nasa labas ng bansa, magalak kayo at magpuri sa tatlong patron sapagakt hindi ninyo makakalimutan ang mga nagdaang panahon na kayo ay pumarito sa Obando at dininig ng Panginoon ang inyong panalangin,” bahagi ng mensahe ni Fr. Ramos
Ang Obando Church na siya ring Pandiyosesis na Dambana ng Nuesta Señora de la Inmaculada Concepcion de Salambao na nasasakop ng Diyosesis ng Malolos ay may tatlong patron na nagdiriwang ng kapistahan tuwang ika-17 hanggang ika-19 ng Mayo –si San Pascual Baylon patron ng mga humihiling ng anak na lalaki, asawa at bokasyon sa buhay relihiyoso ay ipinagdiriwang tuwing ika-17 ng Mayo, Santa Clara ng Asisi patron ng mga humihingi ng anak na babae, para sa maayos na panganganak, at patron ng mass media ay ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-18 ng Mayo, at ang Mahal na Birhen ng Salambao patron ng himihiling ng matagumpay na hanapbuhay naman ay tuwing ika-19 ng Mayo.
Ang mga misa mayor sa tatlong araw na pagdiriwang ay pinangunahan nina Malolos Bishop Dennis C. Villarojo, Kalookan Bishop-emeritus Deogracias Iñiguez at Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr.
Patuloy ang panalangin ng mga pari at mga obispo na dumalo sa tatlong araw na pagdiriwang ang positibong pagtugon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa patuloy na aplikasyon ng parokya upang maitalaga ito bilang Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Salambao.