352 total views
Ilulunsad ng Caritas Philippines sa huling bahagi ng taon ang Kapwa ko, Pananagutan ko, bilang bahagi ng Alay Kapwa program.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, bibigyan tuon ng programa ang pagbibigay ng scholarship sa 500 mag-aaral at feeding program sa 6,000 kabataan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
“Una ay ang scholarship assistance para sa ating mga kabataan na academically low performers mula sa mga identified areas sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Tutulungan po natin sila. Five-hundred students ang ating budget na matutulungan. Pangalawa, feeding program, meron pong mga identified areas na mataas ang percentages ng hunger, tutulungan din po natin sila at ang estimated budget po natin ay para sa mga six thousand na mga kabataan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa facebook page ng Caritas Philippines.
Panawagan din ng obispo ang pakikiisa ng mamamayan para sa ikatatagumpay ng programa. Layunin ng programa na tulungan ang mga mahihirap na pamayanan sa buong bansa lalo’t patuloy na nasa ilalim ng krisis ang bansa dulot ng novel coronavirus.
Ang Alay Kapwa ay ang karaniwang Lenten flagship program ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Justice and Peace o mas kilala bilang Caritas Philippines -ang social arm ng simbahan na kumakalap ng donasyon para tumulong sa mga mahihirap maging sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Isinulong din ng Caritas Philippines ang Kindness Stations o community pantries sa iba’t ibang bansa nang magsimula ang pandemya sa Pilipinas noong 2020.