2,830 total views
Hindi sapat ang apat hanggang anim na buwan upang tuluyang malinis ang kumalat na langis sa karagatan ng Mindoro.
Ayon kay Danny Ocampo-Senior Campaign Manager, OCEANA PHILIPPINES, maaring matanggal ang langis sa ibabaw ng dagat subalit hindi naman natitiyak na maari ng makapangisda at ligtas kainin ang mga lamang dagat.
Ito ang pahayag ni Ocampo sa panayam ng Radio Veritas, kaugnay na rin sa kumalat na 800-libong litro ng langis sa karagatan ng Oriental Mindoro sa pagtaob ng MT Princess Empress.
“So ang tanong are we talking about visible problems o yung chemical composition kasi yung natitirang oil hindi naman po siguro maalis agad ng 4 to 6 months. I want to be optimistic pero ayaw ko din naman pong bigyan ng false hope yung mga tao na 4 to 6 months pwede na kayo mangisda kasi hindi po natin alam ang mangyayari for now, unless ma contain yung lahat ng oil spill agad,” ayon kay Ocampo.
Umaasa din ang grupo na kagya’t na malilinis ang kumakalat na langis upang hindi lumawak pa ang pinsala sa karagatan, gayundin ang kabuhayan ng mga pamayanang umaasa sa pangingisda at turismo
Ayon pa sa ulat, sa loob ng higit sa isang linggong pagkalat ng langis umaabot na sa 36-libong ektarya ng coral reefs ang naapektuhan ng ‘oil spill’.
Bukod sa Calapan City, siyam na bayan na ng Mindoro ang nagdeklara ng ‘state of calamity’ gayundin sa Antique.
(with News Intern: Rey Angelo Miguel)