281 total views
July 4, 2020-5:18pm
Pinuri ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang desisyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) na pahintulutan na ang pagdalo ng 10-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine.
Ayon sa Obispo, malaki ang diperensya ng 10-indibidwal sa 10-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan lalu na’t mayroong iba’t ibang laki at kapasidad ang mga Simbahan kung saan maari pa ding pairalin ang physical distancing ng mga mananampalataya.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, naghahanda na ang mga Pari ng arkidiyosesis upang tumanggap ng 10-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan simula sa ika-10 ng Hulyo.
“So it’s a good development at ang mga kaparian natin ay naghahanda na para sa July 10 ay maka-accommodate na sila ng 10-percent ng capacity ng Simbahan, so it’s a good development congratulations sa IATF na nakita nila ang kahalagahan noon,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo na patuloy na susundin at ipatutupad ng Archdiocese of Manila sa mga panuntunan ng pamahalaan kabilang na ang physical distancing, paghuhugas o pagdisinfect ng mga kamay at pagsusuot ng face mask ng mga mananampalataya na dadalo sa mga banal na pagdiriwang.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, naaangkop ang bagong panuntunan ng IATF sa mga mananampalataya na nais na dumalo sa pang-araw-araw na mga misa.
Paliwanag ng Obispo, bagamat maliit na porsyento pa rin lamang ito ng mga mananampalatayang maaring dumalo sa mga pagdiriwang lalu na tuwing araw ng Linggo ay mas naaangkop naman ang panuntunang ito na madaragdagan ang papayagang makadalo.
“Palagay ko yung 10-percent na yun ay maganda na yan para sa pang-araw-araw na misa, pang-araw-araw na misa halos lahat ng magsisimba ay makakapasok na sa Simbahan ang problema lamang natin yung pang-Linggo pero anyway we can wait kapag mag-50-percent na tayo kapag modified na,” dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Hinikayat rin ng Obispo ang iba pang mananampalataya na patuloy na makibagi sa online masses dahil sa limitado pa ring bilang ng mga maaring personal na makadalo sa mga banal na pagdiriwang.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque magkakaroon ng “dry run” ang naturang bagong panuntunan bukas ika-5 ng Hulyo bago ang implementasyon nito sa ika-10 ng Hulyo.