178 total views
Nanawagan ng tulong ang Diocese of Kidapawan sa mga mabuting Samaritano para sa mga magsasakang apektado ng tag – tuyot at gutom sa kanilang lugar.
Ayon kay Kidapawan Apostolic Administrator, Msgr. Lito Garcia, batay sa kanilang napagkasunduan sa ginanap na clergy meeting na maglalabas sila ng isang pastoral statement para ibigay ang kabuuan ng kanilang posisyon sa nangyaring madugong dispersal sa mga magsasaka.
Pinasalamatan naman ni Msgr. Lito ang mga nauna ng nagpa-abot ng tulong ngunit nangangailangan pa rin ng pangmatagalang pagkain ang mga magsasaka.
Kaya’t sa ngalan ng kanilang Diyosesis, hinimok nito ang lahat na maging bukas palad sa pagtugon sa mga magsasakang apektado ng tag-tuyot.
Nauna na ring nagpa-abot ng tulong ang Caritas Manila sa pagbibigay ng 200 sako ng bigas na mula kay Mr. Mon Moreno.
Napagkasunduan naman ng mga kaparian ng Kidapawan na ito ay ipamahagi sa kanilang 18 parokya sa pamamagitan ng Basic Ecclesial Communities.
“Kaming Diocesan clergy of Kidapawan ay nagkaroon ng regular meeting nitong umaga na ito at napag – usapan namin yung pangyayari dito nitong nakaraan tungkol sa mga farmers na humihingi ng bigas para may makain. At yung nangyaring dispersal at nagkasakitan merong mga biktima. Nabiktima sa nangyaring masabi kong karahasan. Pangyayaring hindi natin inaasahan at kailanman sana ay hindi dapat mangyari. Nagpapasalamat ako sa mga taong handang tumulong kahit ganun pa man ang nangyari. Sa mga kababayan natin, sa mga magma-magandang loob ay hinihiling natin na kung meron kayong mai- abot na tulong sa pamamagitan ng Diocese of Kidapawan ako po ay nanawagan sa inyo ang account na Diocese natin BPI account number 008663-0571-55, account name RCB Diocese of Kidapawan Branch, Kidapawan City,” bahagi ng panawagan ni Msgr. Garcia sa panayam ng Veritas Patrol.