331 total views
August 25, 2020-10:30am
Nakiisa ang Military Ordinariate of the Philippines sa pamilya ng mga biktimang nasawi sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Dalangin din ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio sa mga naulilang pamilya ang kalakasan sa kabila ng pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Heavenly and omnipotent God bless those who have died victims of the recent Bombing in jolo. Console their families and loved ones; ease their pains and sadness that they may accept with hope that the sacrifices of their beloved will not be in vain,” bahagi ng panalangin ni Bishop Florencio.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) naganap ang unang pagsabog sa bahagi ng Plaza Rizal alas-12 ng tanghali mula sa isang motorsiklong nakaparada malapit sa sasakyan ng mga sundalong namimili.
Habang nagsagawa naman ng imbestigasyon sa naunang pagsabog, isa pang pagsabog ang naganap malapit sa Jolo Cathedral na mula naman sa isang babaeng suicide bomber.
Umaasa si Bishop Florencio na magkaroon ng kaliwanagan ng kaisipan ang mga taong may kinalaman sa pagpapsabog sapagkat hindi karahasan ang tugon upang makamtan ang kapayapaan sa pamayanan.
“May those who perpetrated this blatant act of sowing fear and chaos will be enlightened that no one is victorious in situations like but all are losers. May they feel also the pains of those who lose loved ones and pains of disorder and chaos,” dagdag pa ng obispo ng Military diocese.
Sa tala ng otoridad, umabot sa 14 ang nasawi sa magkasunod na pagpapasabog kung saan walo ay mula sa hanay ng mga sundalo at anim ang mga sibilyan habang mahigit sa 70 naman ang nasugatan at nadamay na mga inosente.
Umaasa si Bishop Florencio na magkaroon ng pagkakaisa sa lipunan upang makamit ang kapayapaang hinahangad ng bawat Filipino.
“They may see brighter perspectives of how to be collaborative rather than destructive in their acts because only then progress and peace will be attained. Let us help build the country after this onslaught of Covid-19. Let us not rock the boat so much for in doing so we might all be drowned,” giit ni Bishop Florencio.
Una nang nanawagan si Jolo Bishop Charlie Inzon sa mamamayan na ipanalangin ang pagkakaisa at kapayapaan sa lugar kasunod ng mga karahasan habang hinimok ang mamamayan na manatiling kalmado sa kabila ng mga insidente.